Strategic Realignment sa 2026 Tourism Budget sa gitna ng 30% Cut
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-09-25 20:14:17
Tinalakay ng Senate Finance Subcommittee H noong Huwebes, September 25, 2025, ang panukalang 2026 budget ng Department of Tourism (DOT) at mga attached agencies nito, base sa National Expenditure Program (NEP) na inihain ng Department of Budget and Management (DBM).
Sa fiscal year 2026, nakatakdang tumanggap ang DOT ng ₱3.718 billion, kung saan ₱3.19 billion ay nakalaan para sa Office of the Secretary—bahagyang mas mataas kumpara noong nakaraang taon. Ngunit may ilang attached agencies na nakaranas ng malaking adjustments: ang Intramuros Administration ay makakakuha ng ₱159.4 million (bawas ng 47%), ang National Parks Development Committee ay ₱321 million (bawas ng 16.5%), habang ang Philippine Commission on Sports Scuba Diving naman ay tataas sa ₱44.9 million, o 76.8% increase para palakasin ang kanilang regulatory at promotional functions.
Binigyang-diin ni Sen. Loren Legarda, chair ng subcommittee, ang pangangailangan ng strategic realignment ng priorities para masiguro na ang pondo ay nakatutok sa mga programang transparent, accountable, at may measurable impact. Ayon sa kanya, dapat nakaangkla ang lahat ng investments sa National Tourism Development Plan upang mapanatili ang global competitiveness ng bansa sa larangan ng turismo.
Si Sen. Win Gatchalian, chair ng Committee on Finance, ay nagtanong kung paano gagamitin ng DOT ang kanilang pondo kung maaprubahan. Binigyang-diin niya na ang anumang dagdag na resources ay dapat maghatid ng mataas na impact, lalo na sa pagpaparami ng tourist arrivals at pagpapatatag ng kontribusyon ng turismo sa ekonomiya.
Samantala, hiniling ni Deputy Majority Leader JV Ejercito sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) na magsumite ng listahan ng mga infrastructure projects na nangangailangan ng improvements. Ayon sa kanya, ito ang magiging basehan ng Senado kung magbibigay ng dagdag na suporta sa budget ng ahensya.
Dumalo si Tourism Secretary Maria Esperanza Christina Frasco sa pagdinig upang ipagtanggol ang panukalang budget, na binigyang-diin ang mahalagang papel ng turismo sa cultural preservation, job generation, at nation branding.
Sa kabila ng 30% budget cut, nanindigan ang mga senador na nananatiling kritikal ang turismo para sa pag-unlad ng bansa, at ang maingat at strategic na paggamit ng pondo ang susi para mapanatili ang Pilipinas bilang isang world-class destination.