Diskurso PH
Translate the website into your language:

HRep, Sinimulan na ang Plenary Deliberations sa 2026 National Budget

Jaybee Co-AngIpinost noong 2025-09-25 17:38:31 HRep, Sinimulan na ang Plenary Deliberations sa 2026 National Budget

Sinimulan na ng House of Representatives ang marathon plenary deliberations para sa panukalang P6.2-trilyong pambansang budget para sa taong 2026, sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.


Martes ng hapon pormal na tinalakay sa plenaryo ang House Bill No. 4058 o ang 2026 General Appropriations Bill (GAB), na magsisilbing pangunahing gabay sa paggastos ng pamahalaan para sa mga programa at serbisyo sa susunod na taon.


Sa kanyang sponsorship speech, binigyang-diin ni Appropriations Committee chairperson Rep. Mikaela Angela Suansing ng 1st District ng Nueva Ecija na ang panukalang budget ay nakatuon sa “pagpapanumbalik ng dignidad ng bawat Pilipino.” Kabilang sa mga prayoridad ang pagpapalakas ng food security, pagtugon sa hamon ng climate change, at modernisasyon ng imprastruktura.


Kasabay nito, ipinahayag din ni Rep. Suansing na isinagawa ang ilang reporma para gawing mas bukas at tapat ang proseso. Tinatanggal na ang tinatawag na “small committee system” na dati’y ginagamit para sa mga institutional amendments. Dagdag pa rito, magiging bukas na rin sa publiko ang bicameral conference committee sessions, bilang bahagi ng adbokasiya ni Speaker Dy na ibalik ang tiwala ng mamamayan sa Kongreso.


Ayon ka Rep. Suansing, hindi lang dapat programa at proyekto ang nasa budget. Kailangan din nitong ipakita ang pangarap ng mga Pilipino at patibayin ang tiwala sa institusyon.


Umabot hanggang alas-dos ng madaling araw ang unang araw ng deliberasyon, kung saan tinapos ng HRep ang interpellation at debate sa tatlong ahensya: ang Department of Budget and Management (DBM), na ipinagtanggol mismo ni Rep. Suansing; at ang Department of Finance (DOF) at Department of Economy, Planning, and Development (DepDev), na ipinaliwanag naman ni Sultan Kudarat 2nd District Rep. Bella Vanessa Suansing.


Inaasahang magtutuloy-tuloy ang plenary debates sa mga susunod na araw hanggang maaprubahan ang 2026 General Appropriations Bill bago matapos ang Oktubre. Mahalaga ang agarang pagpasa ng pambansang budget upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng pamahalaan at maiwasan ang reenacted budget na maaaring magdulot ng pagkaantala sa mga proyekto.


Sa pagbubukas ng plenary deliberations, malinaw ang mensahe ng liderato ng HRep: ang 2026 national budget ay dapat maging simbolo ng responsableng pamamahala, transparency, at tunay na paglilingkod sa mamamayan.