PBBM, Nilagdaan ang mga Batas sa Pag-upgrade ng SUCs at Pagdagdag ng Bagong Campus sa Bansa
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-09-22 11:10:02
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang limang bagong batas na layong palakasin ang higher education sa iba’t ibang rehiyon sa pamamagitan ng pag-convert ng extension campuses bilang regular campuses at pagtatayo ng bagong kolehiyo.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12286, ginawa nang regular campuses ng Guimaras State University ang Mosqueda at Baterna extension campuses sa Jordan at San Lorenzo, na bibigyan ng dagdag pondo para sa pasilidad, guro, at academic programs.
Samantala, sa RA 12285 at RA 12284, ginawa ring regular campuses ng Cebu Normal University ang mga extension sa Balamban at Medellin, na magbibigay ng mas malawak na kurso depende sa pangangailangan ng mga komunidad.
Itinatag naman ng RA 12283 ang College of Medicine sa Sultan Kudarat State University sa Tacurong City upang tugunan ang kakulangan ng mga doktor sa Mindanao. Ang curriculum nito ay susunod sa pamantayan ng CHED at PRC.
Sa RA 12282, ang Zamboanga del Sur School of Arts and Trades sa Pagadian City ay ginawang Zamboanga del Sur Polytechnic State College, na may kapangyarihang mag-alok ng mga degree programs sa engineering, technology, at teacher education.
Itinatakda ng mga bagong batas na ang pondo para sa mga paaralang ito ay isasama sa General Appropriations Act. Ayon sa mga mambabatas, malaking tulong ang mga ito para mapalawak ang access sa dekalidad na edukasyon at makapag-ambag sa pag-unlad ng mga probinsya.