Senado, Sinuri ang 2026 Budget ng mga Peace and Recovery Agencies
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-09-23 17:37:05
Pinangunahan ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang pagdinig ng Senate Finance Subcommittee E nitong Martes, September 23, 2025, para repasuhin ang panukalang budget para sa Fiscal Year 2026 ng tatlong ahensya na may mahalagang papel sa kapayapaan at rehabilitasyon: ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), ang Marawi Compensation Board (MCB), at ang National Amnesty Commission (NAC).
Para sa susunod na taon, humihiling ang OPAPRU ng ₱7.28 bilyon. Sa kabuuang ito, ₱5.26 bilyon o 75% ay nakalaan para sa Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) program, na nagbibigay ng peace-promoting infrastructure at development projects sa mga lugar na apektado ng armed conflict at underserved communities.
Samantala, ang MCB ay naghain ng ₱1.213 bilyon na pondo, kung saan ₱1 bilyon ay direkta namang inilaan para sa Marawi Siege Victims Compensation Program. Layunin nitong magbigay ng reparations sa mga residenteng naapektuhan ng Marawi siege noong 2017. Ang NAC naman ay nagpanukala ng ₱217.544 milyon para pondohan ang kanilang Amnesty Grant Program at operational needs.
Bukod sa budget presentation, naging mainit din ang interpellation ng ilang senador:
• Si Sen. Win Gatchalian, Chair ng Committee on Finance, ay nagtanong kay Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. kung posible bang pag-isahin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ang OPAPRU. Giit niya, pareho ang layunin ng dalawang ahensya na maghatid ng peace programs at micro-infrastructure projects, kaya’t dapat ay mas maging efficient at iwas-duplicate ang mga proyekto.
• Si Sen. Loren Legarda naman ay nagpursige tungkol sa urgency ng pagpasa ng Transitional Justice and Reconciliation Act for the Bangsamoro. Ang panukalang ito ay magtatatag ng isang pambansang programa at komisyon para sa transitional justice na layong tugunan ang historical injustices, human rights violations, at lehitimong hinaing ng Bangsamoro people. Bagama’t pending pa sa committee mula Agosto 2025, itinuturing itong priority measure lalo na’t papalapit na ang unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
• Si Sen. Raffy Tulfo naman ay kinuwestyon ang Department of Budget and Management (DBM) dahil binawasan nito ang hiling na pondo ng NAC mula ₱403 milyon tungo sa ₱217.544 milyon, at hiniling na ipaliwanag kung paano maaapektuhan nito ang operations ng komisyon.
Sa kabuuan, ang budget hearing ay nakatutok sa pagtitiyak na ang bawat pisong gugugulin ay magagamit para sa tunay na kapayapaan, healing, at reintegration sa mga conflict-affected areas. Ipinakita rin nito na nananatiling mahalaga para sa Senado ang long-term peacebuilding at pagtugon sa pangangailangan ng mga komunidad na matagal nang naapektuhan ng armadong tunggalian.