Diskurso PH
Translate the website into your language:

BIR pinasimple ang proseso ng business registration sa ilalim ng RMC 74-2025

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-22 20:23:56 BIR pinasimple ang proseso ng business registration sa ilalim ng RMC 74-2025

Seryembre 22, 2025 – Magiging mas mabilis at mas madali na para sa mga Pilipino ang magparehistro ng negosyo matapos ipatupad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 74-2025, na nagtatakda ng mas pinasimpleng requirements para sa business registration.


Ang hakbang na ito ay bahagi ng pagpapatupad ng Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 (RA 11032), na layong bawasan ang burukrasya at gawing mas episyente ang serbisyo ng gobyerno.


Sa ilalim ng bagong panuntunan, tinanggal na ang ilang nakakalitong dokumento na dati ay hinihingi bilang requirement, kabilang ang mayor’s permit. Ayon sa BIR, madalas nagiging sanhi ng delay at rejection ng aplikasyon ang nasabing requirement, kaya’t inalis na ito upang mapabilis ang proseso at mabawasan ang pasanin ng mga bagong negosyante.


Dagdag pa rito, libre na ang pagrerehistro ng negosyo sa BIR. Ang tanging kailangang bayaran ng aplikante ay ang ₱30 Documentary Stamp Tax, kumpara noon na kinakailangan pang magbayad ng iba’t ibang fees at kumuha ng maraming dokumento mula sa iba’t ibang tanggapan.


Binibigyang-diin ng BIR na ang repormang ito ay nakatuon sa pagtulong sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs), na bumubuo sa malaking bahagi ng ekonomiya ng bansa. Sa pamamagitan ng mas malinaw at streamlined na proseso, inaasahang mas maraming Pilipino ang mahihikayat na magsimula ng sariling negosyo.


Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., ang pagbabago ay bahagi ng mas malawak na programa ng ahensya laban sa red tape at bilang suporta sa mga reporma para pasiglahin ang ekonomiya.


 “Ayaw na naming maipit ang ating mga MSMEs sa mabusising requirements. Sa halip, gusto nating mas mapadali ang pagnenegosyo para mas maraming Pilipino ang makapagrehistro at makapagpatuloy ng legal na operasyon,” pahayag ng opisyal.


Inaasahan ng BIR na sa mas episyenteng sistema, hindi lamang makikinabang ang mga bagong negosyante kundi pati na rin ang ekonomiya ng bansa, dahil mas maraming negosyo ang maitatag at mas maraming trabaho ang malilikha.