Diskurso PH
Translate the website into your language:

Makro magbabalik Pinas sa tulong ng Ayala, CP Axtra

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-24 17:28:58 Makro magbabalik Pinas sa tulong ng Ayala, CP Axtra

SETYEMBRE 24, 2025 — Matapos ang mahigit isang dekadang pagkawala, muling magbabalik ang Makro sa merkado ng Pilipinas sa ilalim ng bagong kasunduan sa pagitan ng Ayala Corporation at Thai retail giant CP Axtra.

Noong Setyembre 24, pumirma ang ACX Holdings Corp. — isang subsidiary ng Ayala Corp. — ng kasunduan sa Makro ROH Company Limited (MROH) para sa operasyon ng Makro sa bansa. Sa bagong entity na itinatag, hawak ng MROH ang 50.1% habang nasa 49.9% naman ang ACX.

Ang MROH ay bahagi ng CP Axtra Public Company Limited, isang kilalang operator ng wholesale at retail chains sa Thailand at iba pang bansa. Kasama ito sa Charoen Pokphand Group, isa sa pinakamalalaking conglomerate sa Asya.

Unang pumasok ang Makro sa Pilipinas noong 1996 sa ilalim ng pamahalaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos. Pinondohan ito noon ng Ayala at SM Group, ngunit tuluyang ibinenta ng Ayala ang bahagi nito sa SM noong 2004. Di nagtagal, isinama ng SM ang Makro sa kanilang retail arm at pinalitan ng SM Hypermarket at Savemore.

Ayon sa ulat ng SM noong 2009, “performing poorly” na ang Makro stores kaya’t tuluyan na itong isinara.

Ngayon, sa ilalim ng bagong henerasyon na pamunuan, muling sumabak ang Ayala sa retailing. Bukod sa pagbabalik ng Makro, dinala rin nito sa bansa ang Australian brand na Anko at namuhunan sa PickUp Coffee sa pamamagitan ng Kickstart Ventures.

Paliwanag ni Mariana Zobel de Ayala, managing director ng Ayala Corp., “I think this time we have a dedicated team that’s really focused. We’ve also brought in experts who have done retail both locally and abroad. And we think there’s so much more to serve the Philippine market with. We feel the Filipino is quite underserved when it comes to retail and that’s kind of what drives us.” 

(Sa tingin ko ngayon ay may nakatutok na kaming team. Nagdala rin kami ng mga eksperto na may karanasan sa retail dito at sa ibang bansa. Naniniwala kaming marami pang pwedeng ihain sa merkado ng Pilipinas. Sa tingin namin, kulang pa ang retail para sa mga Pilipino at ‘yan ang nagtutulak sa amin.)

Ang bagong entity na M&Co Corp. ang mangangasiwa sa mga Makro store sa bansa. Target nitong magbigay ng abot-kayang produkto para sa mga mamimili at maliliit na negosyo.

“Together, we seek to build on CP AXTRA’s proven success in delivering quality products at more affordable prices through the Makro format,” ani Mark Uy ng Ayala Corp. 

(Sama-sama naming layuning palawakin ang tagumpay ng CP AXTRA sa pagbibigay ng dekalidad at abot-kayang produkto sa pamamagitan ng Makro.)

Para naman kay Tanit Chearavanont ng CP AXTRA, ang Pilipinas ay “one of the most dynamic and fast-growing markets in Southeast Asia” (isa ang Pilipinas sa pinaka-dynamic at mabilis lumagong merkado sa Timog-Silangang Asya).

Sa pagbabalik ng Makro, inaasahang magkakaroon ng bagong kompetisyon sa sektor ng warehouse shopping na kasalukuyang pinangungunahan ng S&R at Landers.

(Larawan: CP Axtra)