Panukalang Batas ni Senadora Camille Villar para sa proteksyon ng mga BPO workers, inihain
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-09 23:15:31
Inihain ni Senadora Camille Villar ang Senate Bill No. 1401 o ang “BPO Workers’ Welfare and Protection Act” na naglalayong palakasin ang kaligtasan at karapatan ng mga manggagawa sa Business Process Outsourcing (BPO) sector. Layunin ng panukalang batas na tugunan ang mga ulat ng hindi makatarungang pagtrato sa mga empleyado, kabilang na ang sapilitang pagbabalik sa trabaho sa kabila ng panganib sa kalusugan at seguridad.
Ayon sa panukala, inaatasan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na bumuo at magpatupad ng Occupational Health and Safety Standards (OHSS) na alinsunod sa rekomendasyon ng International Labor Organization (ILO). Inaasahang ire-review taun-taon ang mga pamantayang ito at ipatutupad sa lahat ng BPO companies sa bansa.
Bukod dito, obligadong bumuo ang bawat kumpanya ng sariling Workplace Occupational Health and Safety (WOHS) policies na naaayon sa pambansang pamantayan ngunit nakabatay sa lokal na kondisyon. Layon ng polisiya na protektahan ang mga manggagawa laban sa labis na company bonds, fees sa maagang pag-alis, at diskriminasyon batay sa kasarian, lahi, relihiyon, edad, sexual orientation, at kapansanan.
“Walang manggagawa ang dapat mamili kung trabaho ba o kaligtasan ang kanilang pipiliin. Dapat laging nauuna ang kapakanan at seguridad ng ating mga BPO workers,” ani Villar. Binanggit niya ang pangangailangan ng agarang pagpasa ng batas upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng sektor.
Ang panukalang batas ay inaasahang magbibigay ng mas ligtas at makatarungang kapaligiran para sa mga BPO workers sa bansa at kasalukuyang nakabinbin sa Senado para sa pagsusuri at deliberasyon.