Ayala, kakalas na sa Honda matapos ang 35 taon; electric vehicles, bagong tututukan
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-03 18:02:07
OKTUBRE 3, 2025 — Matapos ang mahigit tatlong dekada, tuluyan nang isasara ng Ayala Group ang kabanata nito sa pagbebenta ng Honda vehicles sa bansa. Epektibo sa Enero 1, 2026, ililipat na ng ACMobility ang pamamahala ng siyam na Honda dealerships sa bagong mga operator.
Kinumpirma ng Ayala Corporation at Honda Cars Philippines Inc. (HCPI) ang paglipat ng operasyon ng Iconic Dealership Inc. (IDI) — ang sangay ng ACMobility na humahawak sa Honda Cars Makati, Pasig, Shaw, Bacoor, Cebu, Mandaue, Iloilo, Negros, at Cagayan de Oro. Mananatili ang operasyon ng mga ito hanggang Disyembre 31, 2025.
Ang desisyong ito ay bahagi ng mas malawak na pagbabago sa estratehiya ng Ayala, na ngayo’y nakatuon sa lumalawak na merkado ng electric vehicles (EVs).
Ayon kay Jaime Alfonso Zobel de Ayala, CEO ng ACMobility, “We are grateful, and indeed proud, to have been part of Honda’s journey in the Philippines for the past three and a half decades. This transition reflects our ongoing effort to optimize our portfolio and focus on new growth areas. Among these are our initiatives in advancing sustainable mobility and electrification, where we continue to build solutions that benefit communities, businesses, and the environment.”
(Kami’y nagpapasalamat at tunay na ipinagmamalaki ang naging bahagi namin sa paglalakbay ng Honda sa Pilipinas sa nakalipas na tatlong dekada. Ang pagbabagong ito ay bahagi ng aming patuloy na pagsisikap na ayusin ang aming portfolio at ituon ang pansin sa mga bagong oportunidad. Kabilang dito ang aming mga hakbang sa pagsusulong ng sustainable mobility at electrification, kung saan patuloy kaming bumubuo ng mga solusyong kapaki-pakinabang sa mga komunidad, negosyo, at kalikasan.)
Mula nang buksan ang Honda Cars Makati noong 1990, nakapagbenta na ang ACMobility ng mahigit 220,000 sasakyan. Sa pag-alis ng Ayala, inaasahang magpapatuloy ang Honda sa sariling direksyon ng pagpapalawak at inobasyon.
Kasunod ng pagkalas sa Volkswagen at Maxus, ang natitirang portfolio ng ACMobility ay binubuo na lamang ng BYD at Kia distribution, Isuzu dealership operations, EV charging infrastructure, at Bosch Car Service.
Tiniyak ng kumpanya na ang mga customer na may aktibong reservation o naka-schedule na serbisyo ay makakatanggap ng abiso mula sa mga dealer. Ang mga appointment ay magpapatuloy ayon sa plano.
(Larawan: Honda Cars Makati | Facebook)