Diskurso PH
Translate the website into your language:

DTI, pinaiigting ang hakbang kontra vape open pods; ilang produkto, tuluyang ipinagbawal

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-10 15:26:11 DTI, pinaiigting ang hakbang kontra vape open pods; ilang produkto, tuluyang ipinagbawal

OKTUBRE 10, 2025 — Pinaigting ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kampanya laban sa mga vape open pod at hindi rehistradong e-liquid sa bansa kasunod ng lumalalang banta sa kalusugan ng publiko.

Tinanggal ng ahensya ang mga open pod device sa saklaw ng Certificate of Philippine Standards (PS) License, partikular sa lisensyang hawak ng Phantom Vape Group, Inc. 

Boluntaryong inalis ng kumpanya ang ilang produkto sa ilalim ng brand na VAGEND — kabilang ang VPRIME Device, XLIM PRO 2 Device, NEXLIM Device, XLIM GO Device, at XLIM SQ PRO 2 Device. Hindi na pinapayagan ang paggawa, pag-angkat, pamamahagi, o pagbebenta ng mga ito sa merkado.

Ang open pod ay uri ng vape na maaaring lagyan ng kahit anong e-liquid, kabilang ang mga hindi aprubado ng pamahalaan. Ayon sa DTI, ito’y nagbubukas ng mas mataas na panganib sa kalusugan, lalo na’t may ulat mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ukol sa “Tuklaw” na sigarilyo na may synthetic cannabinoid — isang kemikal na ginagaya ang epekto ng marijuana.

Sa gitna ng isyung ito, inihahanda na ng DTI ang opisyal na kautusan na magbabawal sa produksyon, pag-angkat, pamamahagi, at pagbebenta ng vape open pods at e-liquids na walang sertipikasyon.

“DTI remains firm in its commitment to protect the public from the dangers of vaporized nicotine and non-nicotine products,” pahayag ng ahensya. 

(Naninindigan ang DTI sa layuning protektahan ang publiko laban sa panganib ng vaporized nicotine at non-nicotine products.)

Ang hakbang ay alinsunod sa Republic Act No. 11900 o Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act. Patuloy ding ina-update ng DTI ang listahan ng mga lisensyadong produkto sa OSMV homepage.

Maaaring magsumite ng reklamo ang mga mamimili sa pamamagitan ng ConsumerCare.dti.gov.ph, habang ang mga paglabag ay maaaring i-report sa OSMV@dti.gov.ph o OSMV_Comms@dti.gov.ph.

(Larawan: DTI Philippines | Facebook)