Recto: panukalang VAT cut, posibleng magpabagsak sa ekonomiya
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-16 16:03:13
OKTUBRE 16, 2025 — Sa gitna ng mga panukalang batas na naglalayong ibaba ang value-added tax (VAT) mula 12% tungo sa 10%, mariing tumutol si Finance Secretary Ralph Recto, at iginiit na malaki ang magiging epekto nito sa kakayahan ng gobyerno na pondohan ang mga pangunahing serbisyo.
Sa pagdinig ng Senado para sa panukalang ₱37.8-bilyong budget ng Department of Finance (DOF) para sa 2026, binigyang-diin ni Recto ang posibleng pinsala ng VAT cut sa fiscal na kalagayan ng bansa.
“Kung magbabawas pa tayo ng revenue, baka pati ang current operating expenses natin uutangin na rin natin,” aniya.
Dagdag pa niya, “I leave it to Congress. If you pass a bill, my warning will be that there will be a possible credit rating downgrade.”
(Ipapaubaya ko sa Kongreso. Pero kung maipasa ang batas, babala ko ay posibleng bumaba ang credit rating ng bansa.)
Sa Kamara, inihain ni Batangas Rep. Leandro Leviste ang House Bill 4302 na layong ibaba ang VAT sa 10%. May probisyon ito na maaaring ibalik sa 12% ang VAT kung lalampas sa target ang fiscal deficit. Samantala, mas radikal ang House Bill 5119 ni Cavite Rep. Kiko Barzaga na tuluyang naglalayong tanggalin ang 12% VAT.
Ngunit ayon kay Recto, hindi sapat ang koleksyon ng VAT para tustusan ang mga pangunahing gastusin. Sa 2025, tinatayang aabot sa ₱1.39 trilyon ang VAT collection — halagang sapat lamang para sa siyam na buwang sahod, benepisyo, at pensyon ng mga aktibo at retiradong kawani ng gobyerno. Bukod pa rito, ang ₱576 bilyong excise tax ay kulang para sa ₱965-bilyong pondo para sa edukasyon sa lahat ng antas.
Binigyang-diin ni Recto na kailangang lumago ng 10.2% kada taon ang kita ng gobyerno mula 2025 hanggang 2028 upang maabot ang target na halos ₱6 trilyon sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Marcos. Sa 2030, inaasahang lalampas ito sa ₱7 trilyon.
Upang mapunan ang kakulangan, pinalalakas ng DOF ang koleksyon mula sa mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) at isinusulong ang pagbebenta ng mga nakatiwangwang na ari-arian ng gobyerno.
Noong 2024, nakalikom ang ahensya ng ₱4.42 trilyon — katumbas ng 16.7% ng gross domestic product (GDP).
Ayon sa datos ng DOF, ₱12.10 bilyon kada araw ang nakolekta noong 2024 upang suportahan ang ₱16.23 bilyong daily spending ng gobyerno. Sa 2025, target ng ahensya ang ₱13.65 bilyon kada araw upang punan ang ₱4.51-bilyong daily deficit.
Sa nakalipas na tatlong taon, umangat ng 13.8% kada taon ang revenue collections dahil sa digitalisasyon, mas mahigpit na pagpapatupad, at pagsasara ng mga butas sa koleksyon ng buwis ng BIR at BOC.
Sa kabila ng mga panukalang VAT cut, iginiit ni Recto na mas mainam ang pagpapalakas ng tax administration kaysa pagbabawas ng buwis. Aniya, kung masusunod ang fiscal program ng gobyerno, bababa sa 3% ang deficit sa 2030, habang ang ekonomiya ay posibleng lumaki sa ₱42.6 trilyon, at ang utang ay manatili sa ₱24.7 trilyon o 58% ng GDP.
“We fund the nation's progress and bring us closer to our Ambisyon 2040 — a prosperous middle-class society, where poverty is eradicated,” ani Recto.
(Pinopondohan natin ang pag-unlad ng bansa at inilalapit tayo sa Ambisyon 2040 — isang maunlad na lipunang nasa gitnang antas, kung saan ang kahirapan ay naglaho na.)
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)