San Miguel Corporation, kabilang sa ‘World’s Best Employers 2025’ ayon sa Forbes
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-20 23:09:14
MANILA — Muling pinatunayan ng San Miguel Corporation (SMC) ang mataas na pamantayan nito bilang employer matapos umakyat ng 131 na puwesto upang masungkit ang ika-43 na ranggo sa listahan ng World’s Best Employers 2025 ng Forbes—isang malaking karangalan para sa isang kumpanyang Pilipino.
Ayon sa ulat, kabilang ang SMC sa mga kompanyang nagbibigay ng pinakamagagandang benepisyo sa kanilang mga empleyado—mula sa patas na kompensasyon, mahusay na workplace culture, hanggang sa mga programang pangkalusugan at pangkaunlaran. Sa panahon kung saan maraming kompanya ang nagbabawas pa ng meal allowance, internet stipend, at iba pang benepisyo, itinatampok ng SMC ang halaga ng tunay na pangangalaga sa kapakanan ng mga manggagawa.
Isa sa mga dahilan ng mataas na ranking ng SMC ay ang pagtutok nito sa employee well-being at inclusivity, kung saan binibigyang halaga ang boses at pangangailangan ng bawat empleyado. Ipinapakita ng kanilang polisiya na hindi lamang sila tumitingin sa tubo, kundi sa pangmatagalang pag-unlad ng kanilang mga tao.
Ang pagkilalang ito ay nagsisilbing paalala sa ibang kumpanya sa bansa na ang tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa kita, kundi sa kung paano pinahahalagahan at pinoprotektahan ang mga manggagawang bumubuo sa kanilang tagumpay.
Para sa maraming Pilipino, ang tagumpay ng San Miguel Corporation ay inspirasyon na dapat ding maranasan ng lahat—isang trabahong hindi lamang nagbibigay ng sahod, kundi ng dignidad, pagpapahalaga, at pag-asa para sa mas magandang kinabukasan. (Larawan: Wikipedia / Google)