Diskurso PH
Translate the website into your language:

Israel, Hamas pumayag na sa tigil-putukan; Trump peace plan, umusad

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-09 17:58:02 Israel, Hamas pumayag na sa tigil-putukan; Trump peace plan, umusad

OKTUBRE 9, 2026 — Nagkasundo ang Israel at Hamas sa paunang hakbang ng isang planong pangkapayapaan na inihain ng administrasyong Trump, na layong tapusin ang halos dalawang taong digmaan sa Gaza. Sa ilalim ng kasunduan, ititigil ang sagupaan at palalayain ang mga bihag at bilanggo sa magkabilang panig.

Ayon sa mga opisyal na pamilyar sa usapan, kabilang sa napagkasunduan ang agarang pagpapalaya ng 20 buhay na bihag mula sa Hamas, habang ang Israel ay magsisimula ng pag-urong ng mga sundalo mula sa malaking bahagi ng Gaza. Bagamat hindi pa tiyak ang ilang mahahalagang detalye gaya ng posibleng pagdisarma ng Hamas at pamumuno sa Gaza, itinuturing itong pinakamalaking pag-usad sa negosasyon mula nang sumiklab ang digmaan noong Oktubre 7, 2023.

Sa social media, ipinahayag ni Pangulong Donald Trump ang kanyang kasiyahan sa kasunduan: “This means that ALL of the Hostages will be released very soon, and Israel will withdraw their Troops to an agreed upon line as the first steps toward a Strong, Durable, and Everlasting Peace. All Parties will be treated fairly!” 

(Ibig sabihin nito, ang LAHAT ng mga bihag ay palalayain sa lalong madaling panahon, at ang Israel ay aatras sa isang napagkasunduang linya bilang unang hakbang tungo sa Matatag, Matibay, at Walang Hanggang Kapayapaan. Pantay-pantay ang pagtrato sa lahat ng panig!)

Kinumpirma ng Israel at Hamas ang mga pangunahing nilalaman ng kasunduan. Sa panig ng Hamas, nanawagan ito sa mga tagapamagitan na tiyaking ipatutupad ng Israel ang mga napagkasunduan “without disavowal or delay,” kabilang ang pag-urong ng tropa, pagpasok ng ayuda, at pagpapalitan ng bihag at bilanggo.

Matagal nang iginiit ng Hamas na hindi nito palalayain ang natitirang bihag hangga’t walang garantiya ng tuluyang tigil-putukan at katiyakan na hindi na muling magbabalik ang digmaan.

Ang planong pangkapayapaan ni Trump ay naglalaman ng mga sumusunod: agarang tigil-putukan, pagpapalaya ng 48 bihag na hawak pa ng Hamas, at paglipat ng kapangyarihan sa Gaza sa isang grupo ng mga teknokrat na walang kinikilingan, sa ilalim ng pangangasiwa ng isang internasyonal na lupon na pinamumunuan nina Trump at dating Punong Ministro ng Britanya na si Tony Blair.

Kasama rin sa plano ang pagpapalaya ng Israel sa daan-daang bilanggo, kabilang ang 250 na may habambuhay na sentensiya dahil sa mga kasong may kaugnayan sa pag-atake sa mga Israeli.

Agad namang sinabi ni Trump: “We’re very close to a deal in the Middle East.” 

(Malapit na malapit na tayo sa isang kasunduan sa Gitnang Silangan.)

Ito na ang ikatlong ceasefire mula nang magsimula ang digmaan. Noong Nobyembre 2023, higit 100 bihag ang pinalaya kapalit ng mga bilanggo. Sa ikalawang ceasefire noong Enero at Pebrero, 25 Israeli ang pinalaya, kabilang ang mga labi ng walong bihag, kapalit ng halos 2,000 Palestinong bilanggo. Natapos ang ikalawang ceasefire noong Marso matapos ang biglaang pambobomba ng Israel.

Ayon sa Gaza Health Ministry, mahigit 67,000 Palestino na ang nasawi at halos 170,000 ang nasugatan. Kalahati sa mga namatay ay kababaihan at bata. 

(Larawan: Yahoo)