Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mahigit 200 hikers na-trap sa Mount Everest slopes; rescue operations isinasagawa

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-06 23:06:18 Mahigit 200 hikers na-trap sa Mount Everest slopes; rescue operations isinasagawa

Oktubre 6, 2025 – Isinasagawa ngayon ang malawakang rescue operations sa mga slope ng Mount Everest matapos ma-trap ang mahigit 200 hikers dahil sa pagbagsak ng mga tipak ng niyebe at masamang lagay ng panahon sa rehiyon.


Tinatayang 350 hikers na ang nailikas ng mga awtoridad mula sa bulubunduking bahagi patungo sa ligtas na lugar. Kabilang sa mga na-trap ang mga turistang nag-trek sa silangang bahagi ng Everest, sa Tibetan valley, kasabay ng pagdagsa ng mga bisita ngayong Golden Week holiday sa China.


Batay sa mga inisyal na ulat, ilang tolda ng mga mountaineers ang natabunan ng niyebe habang tinatangkang mailikas ang mga grupo ng turista. Patuloy naman ang ginagawang pagsisikap ng mga lokal na awtoridad at mga rescue teams upang maabot ang mga naiwan pa sa mataas na bahagi ng bundok.


Ang insidente ay naganap sa gitna ng malalakas na ulan at pagbagsak ng niyebe, dahilan upang maging lubhang delikado ang mga daan patungo sa mga base camp. Sa karatig bansa na Nepal, na kilala rin bilang pangunahing ruta ng mga umaakyat sa Everest, 47 katao na ang nasawi dahil sa mga pagbaha at pagguho ng lupa simula noong Biyernes.


Patuloy na binabantayan ng mga otoridad ang lagay ng panahon at inabisuhan na ang mga trekking agencies na pansamantalang ihinto muna ang pag-akyat sa mga ruta ng Everest habang nagpapatuloy ang operasyon ng pagsagip.


Hanggang ngayon, wala pang opisyal na tala kung may mga Pilipinong kabilang sa mga apektadong mountaineers.