Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bust ni Rizal sa Paris, naglaho!

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-04 16:17:47 Bust ni Rizal sa Paris, naglaho!

NOBYEMBRE 4, 2025 — Naglaho ang rebulto ni Dr. Jose Rizal sa Place José Rizal sa ika-9 na distrito ng Paris, France. Ayon sa kumpirmasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA), natuklasan ng Philippine Embassy sa Paris ang pagkawala ng bust sa pagitan ng Oktubre 25 at 26.

Ang bronze na rebulto, na itinayo noong Hunyo 2022 sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Paris at ng Filipino community, ay dating nakatayo sa kanto ng Rue de Maubeuge, Rue Choron, at Rue Rodier — malapit sa dating tinuluyan ni Rizal noong dekada 1880.

Sa pahayag ng DFA, sinabi nitong “The bust of Dr. José Rizal served as a cherished landmark for Filipinos in Paris and a symbol of enduring friendship between the Philippines and France.” 

(Ang rebulto ni Dr. José Rizal ay mahalagang palatandaan para sa mga Pilipino sa Paris at simbolo ng matatag na ugnayan ng Pilipinas at France.)

Hindi pa matukoy ang dahilan ng pagkawala, ngunit binanggit ng DFA na karaniwang target ng vandalismo, pagnanakaw, o pagwasak ang mga pampublikong monumento. Ilang residente rin ang nagsabing ilang beses nang binastos ang rebulto — minsan pinahiran ng pintura, minsan tinakpan ng maskara.

Isang Pilipinong residente ang unang nag-post ng larawan ng bakanteng pedestal sa social media, dahilan upang kumalat ang balita at magdulot ng pangamba.

Kasunod ng insidente, nakikipag-ugnayan na ang embahada sa mga awtoridad ng Paris at sa Filipino community para sa posibleng pagbawi o pagpapalit ng rebulto. Patuloy din ang imbestigasyon.

Matatandaang si Rizal ay nanirahan sa France noong 1883, at nag-aral sa ilalim ni Dr. Louis de Wecker. Dito rin niya tinapos ang nobelang El Filibusterismo noong 1891.

Sa ngayon, nananatiling palaisipan ang pagkawala ng rebulto ng bayani sa gitna ng lungsod kung saan minsan siyang namuhay bilang manunulat at repormista.

(Larawan: YouTube)