Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tesla, kinasuhan ng pamilya sa Wisconsin — pumalyang electric doors, sinisisi sa nangyaring trahedya

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-04 20:23:50 Tesla, kinasuhan ng pamilya sa Wisconsin — pumalyang electric doors, sinisisi sa nangyaring trahedya

NOBYEMBRE 4, 2025 — Kinasuhan ng apat na anak nina Jeffrey at Michelle Bauer ang Tesla sa korte ng Dane County, Wisconsin, kaugnay ng pagkamatay ng kanilang mga magulang sa isang sunog matapos bumangga ang sinasakyan nilang Model S sedan sa isang puno noong Nobyembre 1, 2024 sa Verona, isang suburb ng Madison.

Ayon sa reklamo, hindi nakalabas ang mag-asawa sa sasakyan dahil pumalya ang electric system ng mga pinto matapos masunog ang lithium-ion battery pack ng kotse. Isinasaad sa dokumento na alam umano ng Tesla ang ganitong posibilidad batay sa mga naunang insidente, ngunit pinili pa rin nitong ipatupad ang disenyong may kapintasan.

“Tesla’s design choices created a highly foreseeable risk: that occupants who survived a crash would remain trapped inside a burning vehicle,” nakasaad sa reklamo.

(Ang mga desisyong disenyo ng Tesla ay lumikha ng malinaw na panganib: na ang mga nakaligtas sa banggaan ay maaaring maipit sa nasusunog na sasakyan.)

Nasa likurang upuan si Michelle Bauer, na ayon sa reklamo ay mas vulnerable sa ganitong sitwasyon. Kinakailangan pa raw alisin ang carpet para maabot ang manual release tab — isang hakbang na hindi madaling gawin sa gitna ng emergency.

Isang residente malapit sa pinangyarihan ng aksidente ang tumawag sa 911 matapos marinig ang mga sigaw mula sa loob ng nasusunog na sasakyan, ayon pa sa reklamo.

Bukod sa Tesla, isinama rin sa kaso ang estate ng driver ng sasakyan, na inakusahang pabaya sa pagmamaneho.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang Tesla, na nakabase sa Austin, Texas at pinamumunuan ni Elon Musk, kaugnay ng kaso.

Noong Setyembre, nagsimula ang National Highway Traffic Safety Administration ng imbestigasyon sa posibleng depekto sa mga pinto ng ilang Tesla models, matapos makatanggap ng ulat na maaaring pumalya ang mga handle.

Samantala, may hiwalay ding kaso laban sa Tesla mula sa pamilya ng dalawang estudyanteng nasawi sa sunog sa loob ng Cybertruck sa California noong nakaraang taon.

(Larawan: Yahoo Finance)