90s comeback! Leandro Baldemor, balik sexy scenes matapos ang 20 taon
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-07-22 16:28:40
HULYO 22, 2025 — Babangon muli si Leandro Baldemor sa pelikulang Ang Lihim ni Maria Makinang ng Vivamax — ang unang bold role niya makalipas ang dalawang dekada. Kasama niya ang award-winning na sina Mercedes Cabral at Gold Aceron, sa direksyon ni Gian Arre.
Aminado ang aktor, nagulat siya nang malaman na may love scene ang kanyang karakter.
"Hindi ko alam na merong love scene. May love scene. So, nabigla na lang ako noong nabasa ko yung script, ‘Aba, teka! May love scene pala!” tumawa siya.
Ipinaliwanag ni Leandro na kahit may bahagyang hubad, malinis at artistikong naipakita ang eksena. Naka-focus ang kuha sa tamang anggulo para maiparating ang intensyon nang hindi labis.
Pinuri niya ang propesyonalismo ni Cabral, na tinawag niyang "brilliant performer" at handang ibigay ang lahat sa role. Bago mag-roll ang camera, tinalakay ng direktor ang limits ng bawat isa, at igalang ang comfort level ng aktres. Aniya, handa siyang gawin ang lahat para sa pelikula, at tiwala siya sa judgment ng kasama.
Sa edad na 56, hindi na bago kay Leandro ang mga daring roles — kilala siya sa mga pelikulang tulad ng Patikim ng Pinya at Katawan noong ‘90s. Tinawanan lang niya ang mga batikos sa pagbalik niya sa bold projects.
Hindi raw ito dahil sa desperasyon, kundi pagpili bilang artista. Kwento pa niya, nagbiro na rin ang manager niya tungkol sa paglipat niya sa indie-style films ng Vivamax.
Hindi rin niya inalala ang posibleng epekto nito sa kanyang wood-carving business. Naniniwala siyang kayang paghiwalayin ng mga tao ang trabaho sa arteng ginagawa niya.
Isang bagay ang sigurado: kahit ilang taon ang lumipas, hindi pa rin nawawala ang dating ni Leandro.
Sa edad na 56, patunay siyang numero lang ang edad — pero tatanggapin kaya ito ng mga Pinoy?
(Larawan: YouTube)