Diskurso PH
Translate the website into your language:

Viral protester na binash dahil sa kanyang ‘kili-kili’, nagsalita na!

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-26 23:48:44 Viral protester na binash dahil sa kanyang ‘kili-kili’, nagsalita na!

MANILA Muling umani ng atensyon online ang isang kabataang aktibista matapos maglabas ng pahayag laban sa body-shaming kaugnay ng kanyang viral video sa rally noong Setyembre 21 sa Luneta.

Si Nathalie Julia Geralde, miyembro ng cultural group na Sining Lila, ay nagpahayag sa Facebook na ang halaga at kagandahan ng kababaihan ay hindi dapat ikahon sa pisikal na itsura o sa pamantayang itinakda ng lipunan.

“Ang kagandahan ng babae ay hindi nagtatapos sa pisikal na anyo at lalong hindi nasusukat sa iisang panukat lamang,” ani Geralde, kasabay ng kanyang paninindigang huwag ipahintulot na ikahon ang kababaihan sa makitid na pamantayan ng kagandahan.

Sa kanilang pagtatanghal ng jingle na “Gising Na,” ipinanawagan nila ang pananagutan ng mga tiwaling opisyal at ang paglaban sa pang-aapi sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Ngunit imbes sa mensahe ng protesta, ang kanyang kili-kili at pisikal na anyo ang pinuna ng ilang netizens.

“Dumalo ba sa aking isipan na mapupuna ang aking kili-kili? Hindi! Ito ay bunga ng misogynistic at patriarchal na lipunan,” giit ni Geralde.

Tinuligsa rin niya ang industriya na kumikita sa insecurities ng kababaihan sa pamamagitan ng mga produktong pampaputi at iba pang pamantayang komersyal ng kagandahan. Aniya, ito ay bahagi ng kolonyal na kasaysayan at patriyarkal na kontrol na dapat nang buwagin.

Nagpasalamat naman siya sa mga netizens na tumindig upang ipagtanggol siya laban sa pang-aalipusta. “Tama kayo. Hindi dapat ang bagay na napakanormal katulad ng buhok at diskolarasyon ang pinapakealaman. Ang dapat kalampagin ay mga opisyal na imbes magsilbi, nagpapakalunod sa luho gamit ang pera ng bayan.”

Ikinumpara rin niya ang matinding pagbaha dulot ng Bagyong Opong sa dagsa ng suporta sa Luneta, at nanindigan na sa parehong paraan ay dapat singlakas ang panawagan para sa tunay na flood-control projects na hindi dinudungisan ng korapsyon.

“Abante babae, palaban militante! Ang tao ang bayan, ngayon ay lumalaban!” pagtatapos ni Geralde. (Larawan: Nathalie Julia Geralde / Facebook)