Ilang brands, nagsimula nang kumalas kay Heart habang lumalalim ang isyu kay Chiz
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-26 18:44:51
SETYEMBRE 26, 2025 — Mukhang hindi lang politika ang pinapainit ng kontrobersiyang kinakaharap ni Senador Chiz Escudero — pati endorsements ng kanyang misis na si Heart Evangelista, nadadamay na rin.
Tahimik pero halatang gumalaw ang ilang brand. Ang FitFlop Philippines, na dati’y proud na proud sa collab nila kay Heart, biglang binura ang mga Instagram post na may kinalaman sa aktres. Sunod na tila kumalas ay ang Tiger Balm Philippines — wala na rin sa feed nila ang dating mga larawan ni Heart bilang endorser.
May netizen pa ngang nagkomento sa Tiger Balm tungkol sa “corrupt influencer,” pero agad daw binura ang post niya. May ilan ding nagsabing na-block sila matapos maglabas ng saloobin.
Sa kabilang banda, nananatiling matatag ang McDonald’s Philippines. Hindi nila binura ang campaign posts ni Heart at hinayaan lang ang mga komento, positive man o hindi.
Habang tumitindi ang usapan online, binabantayan ng netizens kung sino pa ang susunod na brand na tatalikod sa fashion icon.
Samantala, may isa pang issue na muling inuungkat ngayon ng mga netizens. Nitong Valentine’s Day, na kaarawan din ni Heart, binigyan siya ni Chiz ng isang espesyal na regalo — isang singsing na may paraíba tourmaline, isang bihirang asul na bato na sinasabing nagkakahalaga ng higit P56 milyon.
Hindi nakaligtas ang singsing sa mata ng publiko. May nagtanong kung paano na-afford ni Chiz ang ganoong klaseng alahas.
Maging si Heart ay tila hindi makapaniwala na naregaluhan siya ng kanyang asawa ng ganoong kamahal na bagay.
(Larawan: @iamhearte | Instagram)