BTS at Michael Jackson sa Isang Album? Tribute Project, Usap-usapan Ngayon
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-04 11:41:10
KOREA — Usap-usapan ngayon sa industriya ng musika na posibleng kabilang ang BTS sa isang tribute album para sa yumaong King of Pop na si Michael Jackson. Ayon sa ulat, isa umano sa mga hindi pa nailalabas na awitin ni Jackson ang naitala na ng BTS.
Noong Agosto 3, iniulat ng ilang entertainment insiders na nakapag-record na ang sikat na K-pop group ng isang unreleased song mula sa mga isinulat ni Jackson noong tag-araw ng 2006. Batay sa ulat ng The Irish Sun, isinulat umano ni Michael Jackson ang mga kantang ito habang naninirahan siya kasama ang kanyang pamilya sa isang ginawang studio mula sa dating cow shed sa Ireland.
Ayon pa sa ulat, isiniwalat ni Paddy Dunning, isa sa mga namamahala ng Grouse Lodge Studios sa Ireland, na sinimulan nila ang mga bagong recording sessions para sa isang tribute album noong nakaraang taon. Isa sa mga artist na lumahok ay ang BTS, na nagtala ng isa sa mga kantang orihinal na isinulat para kay Michael Jackson.
Ani Dunning, "Nagsimula ang sessions noong nakaraang taon at dumalaw na rito ang Korean boy band na BTS sa Grouse Lodge para i-record ang isa sa mga kanta."
Base sa fan site na MJVibe, sinabi rin ni Dunning na ang tribute album ay magkakaroon ng humigit-kumulang sampung karagdagang unreleased tracks at sasamahan ito ng isang dokumentaryo tungkol sa pananatili ni Jackson sa Ireland.
Hindi pa man opisyal na kinukumpirma ng kampo ng BTS o ng estate ni Michael Jackson ang balita, ngunit hindi na mapigilan ng mga fans at netizens ang kanilang pananabik. Marami ang umaasa na ito’y magbubunga ng isang “legendary collaboration” sa pagitan ng isang alamat ng nakaraan at ng pinakamalaking global act ng kasalukuyan.