Diskurso PH
Translate the website into your language:

Angelica Panganiban, nag-open up sa podcast ni Alyssa Valdez — ‘Hindi na ako naniniwala sa comeback’

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-26 01:26:52 Angelica Panganiban, nag-open up sa podcast ni Alyssa Valdez — ‘Hindi na ako naniniwala sa comeback’

MANILA Sa pinakabagong episode ng The Transition Playbook, podcast ni volleyball star Alyssa Valdez, naging bukas at tapat si Angelica Panganiban tungkol sa usapin ng body image, motherhood, at pagiging matatag.

Sa panayam, binalikan ni Alyssa ang isa sa pinakasikat na eksena ni Angelica sa pelikulang Beauty In A Bottle (2014) kung saan tinanong niya, “Kung papalitan mo yung quote na yun for 2025, ano yung idudugtong mo sa ‘come back to the’ blank?” Ngunit diretsahang sagot ni Angelica: “Hindi na kasi ako naniniwala sa comeback eh, so medyo nahihirapan akong dugtungan siya.”

Ipinaliwanag ng aktres na malaki ang naging pagbabago ng kanyang pananaw matapos ang karanasan bilang ina at dumaan sa ilang operasyon noong nakaraang taon. “After giving birth, para mong mas minahal yung katawan mo… mas gugustuhin ko kung ano yung katawan ko ngayon, i-embrace ko siya dahil ito yung pinagdaanan niya,” aniya.

Aminado rin si Angelica na tulad ng ibang kababaihan, dumaan siya sa yugto ng pangungulila sa dating hubog ng kanyang katawan. Subalit kalaunan ay natutunan niyang pahalagahan ang lakas at tibay na kanyang nakamit. “Nakabuo ka ng isang buhay doon… admire mo yung pinagdaanan kasi ang strong strong niya. So hindi mo na gugustuhin na balikan pa yung dati mong sarili na mahina,” dagdag niya.

Umani ng suporta at papuri mula sa mga nakapakinig ang naging pahayag ni Angelica, lalo na mula sa mga ina na nakaka-relate sa pressure na “mag-bounce back” matapos manganak. Para kay Angelica, mas mahalaga ang yakapin ang kasalukuyang anyo at ipagdiwang ang lakas at karanasang dala ng pagiging isang babae at ina. (Larawan: Angelica Panganiban, Alyssa Valdez / Fa)