Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tagumpay para sa Pilipinas: Kirk Bondad wagi sa Mister International 2025

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-26 09:54:48 Tagumpay para sa Pilipinas: Kirk Bondad wagi sa Mister International 2025

Thailand – Muling nagningning ang Pilipinas sa entablado ng pandaigdigang male pageantry matapos tanghaling Mister International 2025 si Kirk Bondad sa grand coronation night na ginanap sa Nonthaburi, Thailand nitong Setyembre 25.


Nagtagumpay si Bondad laban sa higit tatlumpung kandidato mula sa iba’t ibang bansa, at tuluyang itinanghal bilang huwaran ng kaguwapuhan, talino, at karisma. Siya ang ikalawang Pilipino na nakapag-uwi ng titulo, kasunod ng panalo ni Neil Perez noong 2014, na ngayo’y itinuturing na makasaysayang sandali para sa bansa.


Bago pa man ang kaniyang panalo, kilala na si Bondad bilang modelo at matagal nang aktibo sa pageantry. Noong 2024, nakapasok siya sa Top 20 ng Mister World, at ngayong taon ay nakuha niya ang titulo bilang Mister Pilipinas International sa Mister Pilipinas Worldwide pageant, na nagbigay-daan upang siya ang maging pambato ng bansa sa internasyonal na entablado.


Sa iba’t ibang yugto ng kompetisyon—mula sa swimwear at formal wear hanggang sa matinding question-and-answer portion—ipinamalas ni Bondad ang balanseng kombinasyon ng kumpiyansa at talino, dahilan upang makuha ang boto ng mga hurado at ng mga manonood.


Kasabay ng kanyang pagkapanalo, binuhos ng mga kababayan at pageant enthusiasts ang pagbati sa social media, kung saan itinuring ang kanyang tagumpay bilang dagdag na karangalan at inspirasyon para sa mga Pilipino sa buong mundo.


Ang Mister International, na isa sa mga pinakakilalang male pageants sa buong mundo, ay naglalayong itampok ang modernong imahen ng ginoo—hindi lamang sa pisikal na anyo kundi maging sa adbokasiya at malasakit sa lipunan.