Pulang langit sa Camarines Sur, senyales ng masamang kalamidad ayon sa mga eksperto
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-02 21:51:48
Camarines Sur — Namangha ang mga residente ng Brgy. Matacla, Goa, Camarines Sur nitong Huwebes, October 2, 2025, matapos mamataan ang pambihirang kulay pula ng kalangitan sa hapon. Agad na kumalat sa social media ang mga kuha ng makukulay na ulap na para bang naglalagablab, kuha ng residente na si Ralph Amata Gonzales.
Ayon sa mga eksperto, ang pulang kalangitan ay dulot ng Rayleigh scattering, isang natural na proseso kung saan ang mas maiikling wavelength ng liwanag gaya ng asul at luntian ay nakakalat ng mas mabilis sa atmospera. Kapag mababa na ang araw tuwing papalubog o papasikat, mas mahaba ang tinatahak ng liwanag kaya’t nangingibabaw ang mas mahahabang wavelength tulad ng pula at kahel. Ito ang nagdudulot ng mala-apoy na tanawin sa langit.
Ngunit bukod sa ganda, binigyang-diin ng mga eksperto na maaari rin itong maging palatandaan ng pagbabago ng lagay ng panahon. Paliwanag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang pulang kalangitan ay maaaring magpahiwatig ng presensya ng moisture at dust particles sa atmosphere — indikasyon na may posibilidad ng pag-ulan o masamang panahon sa mga susunod na araw.
“Hindi laging masama ang ibig sabihin ng pulang kalangitan. Madalas ito’y bahagi lamang ng normal na atmospheric condition. Ngunit may mga pagkakataon na ang ganitong phenomenon ay kasabay ng papalapit na weather disturbance,” paliwanag ng isang meteorologist ng PAGASA-Bicol.
Samantala, nagpahayag din ng pagkamangha ang ilang residente sa kanilang nakita. “Nakakakilabot pero napakaganda. Para bang may nagpipinta ng langit gamit ang pula,” ani ni Maricel, isang residente sa nasabing barangay.
Dahil sa kasalukuyang panahon ng bagyo, nagpaalala ang mga lokal na awtoridad sa mga mamamayan na manatiling nakatutok sa mga abiso ng PAGASA at lokal na pamahalaan upang maging handa sakaling may magbabadya na sama ng panahon.
Ang ganitong mga natural na tanawin ay madalas na napapansin lamang bilang isang magandang backdrop ng kalikasan, ngunit para sa mga eksperto, ito rin ay paalala na ang kalikasan ay may sariling paraan ng pagbibigay-babala.
Kuha ni Ralph Amata Gonzales