‘Wala siyang ginagawang masama’ — John Estrada, nagpahayag ng suporta sa anak na si Kaila
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-02 23:06:48
MANILA — Buo ang tiwala ni veteran actor John Estrada sa kanyang anak na si Kaila Estrada, sa gitna ng mga kumakalat na tsismis na may espesyal na ugnayan umano ito sa aktor na si Daniel Padilla.
Sa panayam ng isang entertainment columnist, malinaw na ipinahayag ni John na may tiwala siya sa pagiging mature at responsable ng anak pagdating sa personal nitong buhay. Giit niya, kay Kaila lamang dapat manggaling ang anumang kumpirmasyon ukol sa usap-usapan.
“Kaila is an adult… wala siyang ginagawang masama. I’m very confident na anuman ang maging desisyon niya sa buhay, pinag-isipan niya ‘yon,” ani Estrada. Dagdag pa niya, ang kanyang tungkulin bilang ama ay suportahan ang anak, hindi magsalita para sa pribadong bagay nito.
Lalong lumakas ang espekulasyon matapos mamataan ang dalawa sa ilang pampublikong lugar, kasunod ng kanilang pagtatrabaho sa action-drama series na Incognito. Mas umingay pa ang usapan nang banggitin ng showbiz reporter na si Ogie Diaz na tila totoong may relasyon ang dalawa, bagama’t iginiit nitong dapat manggaling mismo sa mga artista ang kumpirmasyon.
Samantala, nananatiling tahimik sina Kaila at Daniel sa isyu. Si Padilla ay kakahiwalay lamang mula sa longtime partner na si Kathryn Bernardo, habang si Kaila, anak nina John Estrada at Janice de Belen, ay patuloy na gumagawa ng sariling pangalan bilang model at aktres.
Bagama’t patuloy ang intriga, iginiit ni John na ang pinakamahalaga ay maramdaman ng kanyang anak na lagi siyang nariyan para sa kanya. “All I do is let her know na she will always have my support, and I will always be here for her and her siblings,” pagtatapos ng aktor. (Larawan: Kaila Estrada / Facebook)