St. Peter Life Plan and Chapels, magbibigay ng libreng funeral services sa mga biktima ng lindol sa Cebu
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-02 21:57:37
Oktubre 2, 2025 – Nagpahayag ng pakikiramay at pakikiisa ang St. Peter Life Plan and Chapels sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng malakas na lindol na yumanig sa Cebu nitong linggo. Bilang tugon sa trahedya, inanunsyo ng kumpanya na magbibigay sila ng libreng funeral services para sa mga nasawi, bilang tulong sa mga pamilyang nagdadalamhati.
Ayon sa opisyal na pahayag ng St. Peter, ang kanilang misyon ay hindi lamang nakasentro sa pagbibigay ng serbisyo kundi sa pakikipagdamayan sa mga Pilipinong humaharap sa pinakamahirap na sandali ng kanilang buhay. “Sa oras ng trahedya, ang serbisyo at malasakit ang aming unang alay,” pahayag ng kumpanya.
Kasabay nito, nanawagan ang St. Peter sa mga pamilya ng mga nasawi na makipag-ugnayan sa kanilang Customer Support sa numerong (02) 8371 9999, (02) 7946 9999, at 0919 056 9999 para agad na maasikaso ang mga pangangailangan. Maaari rin silang bumisita sa pinakamalapit na St. Peter Chapel sa Cebu upang direktang makipag-ugnayan.
Narito ang mga sangay sa probinsya na bukas para tumanggap ng mga pamilyang nangangailangan:
St. Peter Chapels – Bantayan
Brgy. Mojon, Bantayan, Cebu
(0999) 228-1358, (0999) 228-1359
St. Peter Chapels – Bogo, Pandan
Brgy. Pandan, Bogo City, Cebu
(032) 434-8562, (0916) 738-7927
St. Peter Chapels – Danao
National Highway, Brgy. Dunggoan, Danao City, Cebu
(0999) 228-1550, (0999) 228-1552
Matatandaang libo-libong pamilya ang naapektuhan ng malakas na pagyanig sa Cebu na nagdulot ng pinsala sa mga tahanan, gusali, at pangunahing imprastraktura. Maraming residente ang napilitang lumikas at pansamantalang tumuloy sa mga evacuation center. Kasama rin sa iniulat na epekto ang pagkawala ng ilang buhay, dahilan upang lalo pang mabigat ang sitwasyon ng mga pamilyang naulila.
Sa pamamagitan ng kanilang hakbang, umaasa ang St. Peter na maibsan kahit kaunti ang pinapasan ng mga apektadong pamilya. Binigyang-diin din ng kumpanya na handa silang magbigay ng karagdagang suporta para sa mga komunidad sa Cebu, kasabay ng panawagang magtulungan ang lahat upang makabangon mula sa pinsala ng kalamidad.
“Hindi kayo nag-iisa. Kami ay kaagapay ninyo sa oras ng pangungulila. Magkauban ta sa pagbangon,” dagdag ng St. Peter sa kanilang pahayag.