Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bagets reboot: bagong barkada, bagong kwento, bagong kilig

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-12 11:49:53 Bagets reboot: bagong barkada, bagong kwento, bagong kilig

OKTUBRE 10, 2025 — May bagong barkada na magpapakilig, magpapaiyak, at magpapaalala ng iyong kabataan sa entablado — kilalanin ang cast ng “Bagets: The Musical,” ang inaabangang stage adaptation ng iconic 1984 youth film.

Sa ginanap na presscon sa Viva Café, ipinakilala ang sampung kabataang artista na bibida sa musical na tatakbo mula Enero 23 hanggang Marso 2026 sa Newport Performing Arts Theater. Sina Andres Muhlach, Mico Hendrix Chua, KD Estrada, Ethan David, Jeff Moses, Sam Shoaf, Milo Cruz, Migo Valid, Noel Comia Jr., at Tomas Rodriguez ang magbibigay-buhay sa mga karakter na minsang ginampanan nina Aga Muhlach, JC Bonnin, Raymond Lauchengco, Herbert Bautista, at William Martinez.

Para kay Andres, ang pagganap bilang Adie — ang papel na nagpasikat sa kanyang ama — ay isang personal na milestone. 

“To be part of it, let alone play my dad’s role, feels surreal. When we first found out that I got his breakthrough portrayal, [my dad] was super happy for me. He was also excited to see how I’m going to approach the character,” aniya,

(Ang makasali sa proyekto, lalo na’t gaganap ako sa papel ng tatay ko, ay parang panaginip. Nang malaman naming nakuha ko ang role na nagpasikat sa kanya, sobrang saya niya para sa akin. Excited din siyang makita kung paano ko gagampanan ang karakter.)

Pero hindi raw siya magpapakulong sa anino ng ama. 

“I want this to be my own path. At the end of the day, the hard work is on us, the new ‘Bagets’ cast,” giit ni Andres.

(Gusto kong gawin itong sarili kong landas. Sa huli, kami ang magtatrabaho para sa bagong ‘Bagets.’)

Kasama niyang gaganap bilang Adie si Mico, na bumalik sa Pilipinas mula Dubai para muling sumabak sa teatro. 

“I think many can relate when I say we’ve all had that time in our lives when we were young, naive, and just letting our emotions get the best of us,” pagbabahagi niya.

(Sa tingin ko, maraming makaka-relate kapag sinabi kong dumaan tayong lahat sa panahong bata pa tayo, inosente, at hinahayaan lang ang emosyon na mangibabaw.)

Ang papel ni Topee, ang tahimik pero matatag na kaibigan, ay gagampanan nina Jeff Moses at Sam Shoaf. 

Para kay Jeff, personal ang koneksyon. 

“Let’s go home to Bacolod. That’s what he often tells his mother (Balik tayo sa Bacolod. Lagi niya ‘yang sinasabi sa nanay niya). Ako, ramdam ko ‘yung bigat nu’n kasi tuwing holidays na lang din ako nakakauwi sa’min” kwento niya.

Si Sam naman, na aktibo rin sa sports tulad ni Topee, ay naniniwalang ang musical ay kwento ng lahat. 

“The story is about us. Just a different timeline, different variables, but the same plot,” paglalahad niya.

(Kwento natin ‘to. Iba lang ang panahon, iba lang ang sitwasyon, pero pareho ang tema.)

Sina KD Estrada at Ethan David naman ang magpapalit-palit bilang Arnel, ang suave na “conyo” ng barkada. Samantala, sina Milo Cruz at Migo Valid naman ang magpapasaya bilang Tonton, habang sina Noel Comia Jr. at Tomas Rodriguez ang magpapakilig bilang Gilbert.

Ang “Bagets: The Musical” ay handog ng Newport World Resorts, VIVA Communications, Inc., at The Philippine STAR. Ang presale para sa mga naka-waitlist ay magsisimula sa Oktubre 15, habang ang general ticket selling ay sa Oktubre 17, 2025.

Bagong mukha, bagong kwento, pero parehong damdamin — handa na ang bagong “Bagets” para sa bagong henerasyon.

(Larawan: Philippine Star | Facebook)