Diskurso PH
Translate the website into your language:

Diwata lumapit kay Tulfo matapos maging biktima ng maling pag-aresto at identity theft

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-10 22:11:19 Diwata lumapit kay Tulfo matapos maging biktima ng maling pag-aresto at identity theft

Oktubre 10, 2025 – Lumapit sa programang Raffy Tulfo in Action (RTIA) ang social media personality na si Deo Jarito Balbuena, o mas kilala bilang “Diwata,” upang ireklamo ang umano’y maling pagkakakulong sa kanya dahil sa pagkakamali ng mga awtoridad kaugnay ng isang kaso sa ilalim ng Ordinance No. 628, S-2016 o ang “Anti-Street Obstruction Ordinance” ng Mandaluyong City.


Ayon kay Diwata, pumunta sa kanyang bahay sa General Trias, Cavite ang mga pulis mula sa Warrant Section ng Trece Martires City noong Oktubre 7 upang isilbi ang warrant of arrest na inisyu ng korte ng Mandaluyong laban sa isang Deo Jarito Balbuena — pangalan na tugma sa kanya. Siya ay agad na dinala sa presinto at pansamantalang nakulong bago nakapagpiyansa.


Sa imbestigasyon ng RTIA, lumabas na ang warrant ay nag-ugat sa insidente noong Marso, kung saan nahuli ng Mandaluyong PNP ang limang kalalakihan na nag-iinuman sa kalsada, isang paglabag sa nabanggit na ordinansa. Ayon sa arresting officer na si Patrolman Johary Bogagong, inisyuhan niya ng ticket ang limang lalaki at pinagmulta ng ₱500 bawat isa. Gayunman, ang isa umano sa mga nahuli ay gumamit ng pekeng TIN ID na nakapangalan kay Deo Jarito Balbuena — na siyang tunay na pangalan ni Diwata.


Nang walang sinuman sa mga lalaki ang nagbayad ng multa sa itinakdang araw, iniakyat ng Mandaluyong PNP ang kaso sa korte, dahilan upang maglabas ito ng warrant of arrest laban sa pangalang nakalista sa ulat — si Diwata mismo.


Sa panayam ni Sen. Raffy Tulfo kay Patrolman Bogagong, inamin ng pulis na hindi niya personal na nakilala si Diwata at tanging ID lamang ang basehan ng pagkakakilanlan ng isa sa mga na-apprehend. Dahil dito, lumalabas na biktima ng identity theft si Diwata, at nagkaroon ng pagkukulang sa panig ng mga pulis, partikular sa warrant section, dahil sa kakulangan ng maayos na beripikasyon bago isilbi ang warrant.


Ayon kay Diwata, lumapit siya sa RTIA hindi lamang upang linisin ang kanyang pangalan, kundi upang hindi na maulit sa iba ang kanyang sinapit.


Samantala, inihayag naman ni Sen. Raffy “Idol” Tulfo na maghahain siya ng senate resolution in aid of legislation upang magkaroon ng mas malinaw at mahigpit na protocol para sa mga warrant officers bago magpatupad ng mga pag-aresto.


Larawan mula sa RTIA