Tower sa Dinagat Islands, kinumpulan ng mga dumapong ibon
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-12 18:29:36
Dinagat Island – Isang kakaibang tanawin ang umagaw ng pansin sa mga residente ng Dinagat Islands matapos kumpulan ng daan-daang ibon ang isang communication tower sa naturang lalawigan. Ang larawan, kuha ni Nhel Revil, ay agad na nag-viral sa social media at umani ng samu’t saring reaksyon mula sa publiko.
Makikita sa kuha ang napakaraming ibon na sabay-sabay na dumapo sa tore — tila nagtitipon o nagpapahinga. Ayon sa ilang residente, ngayon lang daw sila nakakita ng ganoong karaming ibon sa iisang lugar. May ilan na nagsabing posibleng ito ay bahagi ng migrasyon ng mga ibon, habang ang iba naman ay kinabahan at iniuugnay ito sa posibleng paparating na kalamidad.
May mga lokal na naniniwala na kapag may kakaibang kilos ang mga hayop — gaya ng biglaang paglipad o pagtitipon ng mga ibon — maaari itong senyales ng pagbabago sa panahon o maging ng paparating na lindol o bagyo. “Baka may mangyayaring kakaiba,” ayon sa isang residente na nakasaksi mismo sa pangyayari.
Sa paliwanag naman ng ilang eksperto, normal umano sa mga ibon ang magtipon sa mga mataas na estruktura lalo na kapag sila ay nasa yugto ng migrasyon o naghahanap ng ligtas na pahingahan. Gayunpaman, hindi rin isinasantabi ng mga eksperto na ang ganitong mga kilos ng hayop ay minsan ding nagiging tugon sa pagbabago sa kapaligiran o atmospheric pressure — na kadalasang nauugnay sa paparating na masamang panahon.
Hinikayat ng DENR at mga lokal na awtoridad ang mga residente na manatiling mahinahon ngunit mapagmatyag, at agad na iulat kung may mapansin pang kakaibang kilos ng mga ibon o hayop sa paligid.
Photo credit: Nhel Revil