Diane Keaton, Hollywood icon, pumanaw sa edad na 79
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-12 17:17:21
OKTUBRE 12, 2025 — Pumanaw na si Diane Keaton, isa sa pinakakilalang aktres ng Hollywood, sa edad na 79. Kinumpirma ng Los Angeles Fire Department na isang babaeng 79 anyos ang isinugod sa ospital mula sa tirahan ni Keaton sa California nitong Sabado ng umaga, Oktubre 11. Kinilala ng mga kaanak at malalapit na kaibigan na si Keaton ang isinakay ng ambulansya.
Wala pang inilalabas na opisyal na sanhi ng pagkamatay, ngunit ayon sa isang source mula sa law enforcement, posibleng hindi na sangkot ang Medical Examiner kung natural ang dahilan ng pagpanaw.
Kinilala si Keaton sa kanyang mahigit limang dekadang kontribusyon sa pelikula, mula sa mga komedyang tumatak hanggang sa mga dramang nagmarka sa kasaysayan ng sining.
Isa sa kanyang pinakamaagang tagumpay ay ang pelikulang Annie Hall noong 1977, kung saan ginawaran siya ng Academy Award bilang Best Actress. Dito unang nasilayan ng publiko ang kanyang kakaibang estilo — mga panlalaking pantalon, vest, at sombrero — na naging bahagi ng kanyang pagkakakilanlan.
Bukod sa Annie Hall, tumatak din si Keaton sa mga pelikulang Looking for Mr. Goodbar, Reds, Shoot the Moon, at The Little Drummer Girl. Sa mga sumunod na taon, nakasama siya sa mga pelikulang Father of the Bride, Father of the Bride Part II, at Something’s Gotta Give, kung saan muli siyang nominado sa Oscar.
Sa panayam ng Vulture noong 2020, sinabi ni Keaton, “Honestly, you can think it’s sappy, but I love the Father of the Bride movies. They were so touching.”
(Sa totoo lang, baka sabihin mong cheesy, pero mahal ko talaga ang mga pelikulang Father of the Bride. Nakakataba ng puso.)
Noong 1996, nakasama niya sina Goldie Hawn at Bette Midler sa The First Wives Club, isang komedyang tumalakay sa mga babaeng iniwan ng kanilang mga asawa para sa mas bata. Sa panayam ng The Hollywood Reporter noong 2023, inamin ni Keaton, “I was always kind of anxious and a little worried” (Palagi akong medyo balisa at nag-aalala) habang ginagawa ang pelikula. “Hawn and Midler were really amazing actresses” (Ang galing kasi nina Hawn at Midler).
Hindi kailanman nagpakasal si Keaton. Sa isang panayam noong 2021, sinabi niya, “She [my mother] had four kids, and I was the firstborn. I saw how much she gave up.”
(Apat ang anak ng aking ina, at ako ang panganay. Nakita ko kung gaano karami ang isinuko niya.)
Dagdag pa niya, “I didn’t want to give up my independence.”
(Ayokong isuko ang kalayaan ko.)
Sa kabila ng pagiging single, pinili ni Keaton na maging ina sa kanyang 50s. Inampon niya sina Dexter noong 1996 at Duke noong 2001.
Sa panayam ng Ladies’ Home Journal noong 2008, sinabi niya, “Motherhood was not an urge I couldn't resist, it was more like a thought I'd been thinking for a very long time. So I plunged in.”
(Hindi ako tinukso ng pagiging ina, pero matagal ko na siyang iniisip. Kaya tumalon na ako.)
Si Keaton ay inulila ng kanyang dalawang anak. Sa mga huling taon ng kanyang buhay, nanatili siyang aktibo sa industriya at patuloy na minahal ng mga tagahanga sa buong mundo.
(Larawan: Yahoo)