QC, handa na sa Pride 2025; mas malaki, mas ligtas, mas masaya sa UP Diliman

HUNYO 1, 2025 — Ginagawan na ng Quezon City ng paraan para mas maging memorable ang Pride March ngayong taon, matapos biglang umulan noong nakaraang selebrasyon. Ikinumpirma ni Mayor Joy Belmonte na lilipat ang venue sa UP Diliman dahil mas malaki ang espasyo kumpara sa Quezon Memorial Circle.
“Inulan [last year],” aminado si Belmonte sa isang panayam. “But we have learned from the lessons of last year, and definitely we'll be more prepared this year with tents, with covered areas and pati 'yung sound system natin na kahit na umulan, we will make sure it's protected at pwede pa rin mag-party at mag-enjoy at mag-concert kahit umulan.”
(Inulan noong nakaraang taon. Pero natuto tayo sa nangyari, kaya siguradong mas handa tayo ngayon — may mga tent, covered areas, at pati sound system natin ay protektado para tuloy ang party, concert, at saya kahit umulan.)
Tinawag na "Lov3Laban sa Diliman," ang event sa Hunyo 28 ay magkakaroon ng march, trade fair, at Pride Night sa iba’t ibang lugar sa UP Diliman, kasama ang Sunken Garden. Noong nakaraan, naantala ang mga performance dahil sa malakas na ulan, kaya hindi nakapag-perform ang mga headliner tulad ng BINI at ni Vice Ganda.
Bago ang march, magkakaroon ng Pride Run sa Hunyo 7 at business summit para sa mga LGBTQIA+ entrepreneurs.
"Gusto namin malaman kung ano pa ang pwedeng gawin ng lungsod para sa kanila, para they feel safer, and they feel more motivated to do business here in Quezon City (para mas maging ligtas at gaganahan silang magnegosyo dito sa Quezon City)," sabi ni Belmonte.
Fina-finalize na rin ang gender-inclusive healthcare ordinance ng lungsod, na ilulunsad sa Pride Day. Dagdag ito sa "Right to Care" card noong 2023, na nagbibigay ng karapatan sa queer couples na magdesisyon sa medical care ng partner nila.
Hinikayat ni Belmonte ang lahat na sumali, hindi lang para magdiwang kundi para isulong din ang SOGIE Equality Bill. Noong nakaraang taon, umabot sa 200,000 ang dumalo.
May safety measures na rin, kasama ang koordinasyon sa pulisya para sa crowd control.
(Larawan: Greenpeace)