DOH, naglunsad ng bagong online booking system para maiwasan ang mahabang pila sa ospital

HUNYO 2, 2025 — Naglabas ang Department of Health (DOH) ng digital platform para gawing mas madali ang pag-book ng medical check-up, na layong bawasan ang labis na crowding at paghihintay sa mga ospital. Tinawag itong Patient Appointment System (PAS), kung saan makakapag-secure na ng slot ang mga pasyente bago pumunta sa ospital.
Binigyang-diin ni Health Secretary Ted Herbosa ang ginhawang dulot nito, sa pahayag na, “Ito, at least, alam mo na hindi ka masasayangan ng pagbiyahe. Wala kang takot kasi secured na 'yung appointment mo.”
Magsisimula muna ito sa tatlong ospital ng DOH sa Maynila — ang Jose R. Reyes Memorial Medical Center, San Lazaro Hospital, at Dr. Jose Fabella Memorial Hospital. Kaya nitong iproseso ang mga request sa loob ng tatlong minuto. Kailangan lang sundin ang anim na hakbang: buksan ang PAS website, pumayag sa terms, pumili ng ospital at serbisyo, mag-book ng slot, ilagay ang personal na detalye, at i-save ang confirmation screenshot.
Hindi pa inanunsyo ng DOH ang plano para palawakin ito, pero posibleng dagdagan pa ang mga ospital kung magiging matagumpay ang pilot run. Pinapayuhan ang mga pasyente na dumating nang on time at dalhin ang digital proof ng booking para hindi ma-delay.
Layunin ng hakbang na ito na balansehin ang daloy ng mga pasyente at mas ma-optimize ang mga resources ng ospital.
(Larawan: Department of Health (Philippines) | Facebook)