Jeepney drayber, hinangaan ng mga netizens dahil sa kabutihan nito
Robel A. Almoguerra  Ipinost noong 2025-10-28 22:20:06 
            	MANILA — Isang jeepney driver sa Metro Manila ang naging inspirasyon sa maraming netizens matapos mag-viral ang kanyang kabutihan sa social media. Sa kabila ng hirap ng buhay, pinili ni “Manong Driver” na maghatid ng ngiti at tulong sa kanyang mga pasahero sa pamamagitan ng libreng sakay.
Sa larawan na ibinahagi ni April Acob, makikita ang mga karatulang nakapaskil sa loob ng jeep: “Free ride for senior citizens,” “Free ride for students with high honors,” at “Free ride if it’s your birthday today.” Maraming netizens ang naantig sa malasakit ni manong, na sa gitna ng mahal ng gasolina at bigat ng pamumuhay, ay patuloy pa ring nagbabahagi ng kabutihan.
“Sarap sa pakiramdam na habang nasa loob ka ng jeep, puro maririnig mo ‘Salamat po, Manong!’” ayon sa uploader. Ayon din sa mga pasahero, kitang-kita ang saya ng mga senior citizens at buntis na nabiyayaan ng libreng sakay.
Marami ang nagsabing si Manong Driver ay patunay na hindi kailangang maging mayaman para makatulong. Ang kabutihan, kapag sinabayan ng puso at malasakit, ay tunay na nagdadala ng liwanag sa kalsada—at sa puso ng bawat Pilipino. (Larawan: April Acob / Facebook)
