Kauna-unahang ‘adidas football-only store’ sa Southeast Asia, inilunsad sa Pilipinas
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-29 00:29:32
MANILA, Philippines — Kasabay ng pagpapalakas ng suporta para sa Philippine women’s national football team, opisyal na inilunsad ng sports brand na Adidas ang bagong team kits para sa mga darating na kompetisyon, kabilang ang 2025 Southeast Asian Games na gaganapin ngayong Disyembre. Inilunsad din ng kumpanya ang kanilang kauna-unahang football-only store sa bansa, na naglalayong maging sentro ng football gear para sa lumalawak na komunidad ng sports na ito sa Pilipinas.
Tampok sa bagong kits ang dalawang bersyon: ang home kit na may kulay royal blue at ang away kit na puti. Parehong disenyo ang may pulang side panels, gintong crest at guhit, at isang gintong araw na matatagpuan sa likod ng kwelyo—isang detalyeng agad na pumukaw ng atensyon mula sa fans at supporters ng pambansang koponan.
Ayon sa Adidas, ang gintong araw ay nagsisilbing “tribute to the light and inspiration the team brings to fans and future athletes,” bilang pagkilala sa patuloy na dedikasyon, tapang, at tagumpay ng Filipinas sa pandaigdigang football scene. Sa nakalipas na mga taon, lumawak ang suporta para sa koponan matapos ang kanilang makasaysayang paglahok sa FIFA Women’s World Cup, at inaasahang mas lalakas pa ang kanilang presensya sa rehiyon.
Nasa P3,800 ang presyo ng bawat kit at mabibili na sa bagong bukas na Adidas Football Store, na ngayo’y itinuturing na pangunahing destinasyon ng mga football enthusiasts na naghahanap ng premium at specialized gear.
Umaasa ang fans na ang bagong kit ay magsisilbing simbolo ng panibagong lakas at inspirasyon para sa pambansang koponan sa kanilang pagharap sa paparating na SEA Games, kung saan target ng Filipinas ang mas mataas na finish at mas maraming tagumpay para sa bansa. (Larawan: SM Mall Of Asia / Facebook)
