Tingnan: 2 kabataang mag-aaral mula sa Camalig, pasok sa finals ng Thailand International Mathematical Olympiad (TIMO)
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-29 00:36:52
CAMALIG, Philippines — Dalawang batang Camaleño ang muling nagdala ng karangalan sa bayan ng Camalig matapos makapasok sa Finals ng Thailand International Mathematical Olympiad (TIMO) na gaganapin sa Impact Muang Thong Thani, Bangkok, Thailand sa susunod na taon.
Ang mga estudyanteng sina Lance Panarigan at Reiz Axl Chi Madeja mula sa Camalig North Central School (CNCS) ang matagumpay na nakakuha ng puwesto sa prestihiyosong internasyonal na patimpalak sa larangan ng matematika, na dinaluhan ng libo-libong kabataang math wizards mula sa iba’t ibang bansa sa Asya.
Bilang paghahanda sa kanilang paglahok sa naturang kompetisyon, nagsagawa ng courtesy visit ang dalawang mag-aaral kasama ang kanilang coach na si Ms. Myla Benosa at Math Coordinator na si Sharilyn Ola kay Mayor Carlos “Caloy” Irwin G. Baldo Jr. ngayong Nobyembre 28, 2025, sa Mayor’s Office sa Mytallic Building.
Mainit silang tinanggap ni Mayor Baldo at buong puso silang binati sa kanilang natatanging tagumpay. Pinayuhan din niya ang mga mag-aaral na pagbutihin pa ang kanilang paghahanda upang masungkit ang parangal para sa bayan at bansa.
“Pagbutihin niyo ang paghahanda diyan sa paparating na math tournament. Good luck sa inyong dalawa!” mensahe ni Mayor Baldo sa dalawang pambato ng Camalig.
Lubos namang ipinagmalaki ng lokal na pamahalaan ang tagumpay nina Panarigan at Madeja, na itinuturing na inspirasyon sa kapwa kabataan ng Camalig. Ayon sa CNCS, patuloy na susuportahan ng paaralan at ng LGU ang kanilang pagsasanay para mapanatili ang mataas na antas ng kahandaan sa TIMO Finals.
Inaasahang mas lalo pang mapapalakas ng kanilang paglahok ang reputasyon ng Camalig sa larangan ng akademikong kompetisyon, lalo na sa math excellence, habang bitbit nila ang pag-asa at dangal ng buong Camaleño community. (Larawan: Camalig PIO / Facebook)
