Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tingnan: PWDs at solo parents sa Camalig, Albay, kabilang sa livelihood training para sa karagdagang kabuhayan

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-29 00:41:07 Tingnan: PWDs at solo parents sa Camalig, Albay, kabilang sa livelihood training para sa karagdagang kabuhayan

CAMALIG, Albay — Patuloy na isinusulong ng Lokal na Pamahalaan ng Camalig (LGU-Camalig) ang mga programang nagtataguyod ng pangmatagalang kabuhayan at self-sufficiency para sa mga residenteng kabilang sa vulnerable sectors. Kaugnay nito, isinagawa ng Persons With Disability Affairs Office (PDAO) katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang isang rug at doormat making livelihood training para sa mga persons with disabilities (PWDs) at solo parents noong Nobyembre 28, 2025 sa Black Pepper Resto, Brgy. Salugan.

Humigit-kumulang 25 PWDs at 25 solo parents mula sa iba’t ibang barangay ng Camalig ang lumahok sa naturang pagsasanay. Tinuruan sila kung paano gawing kapaki-pakinabang at mapagkakakitaan ang mga lumang damit sa pamamagitan ng paggawa ng mats at doormats — isang proyekto na hindi lamang nakabawas sa gastusin sa materyales kundi nagtataguyod din ng eco-friendly at sustainable na pamamaraan.

Dumalo rin sa aktibidad si Mayor Carlos “Caloy” Irwin G. Baldo Jr. kasama si Municipal Councilor Sheila Marie M. Dino, na nagpaabot ng kanilang buong suporta sa inisyatibang naglalayong palakasin ang kabuhayan ng mga sektor na higit nangangailangan.

Bilang dagdag na tulong, maglalaan ang LGU-Camalig ng starter kits na naglalaman ng mga pangunahing materyales na kakailanganin sa paggawa ng mga produkto. Bawat kalahok ay tatanggap din ng frame board upang mas mapadali ang kanilang crafting process at magsilbing panimulang puhunan sa gagawing hanapbuhay.

Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Mayor Baldo ang dedikasyon ng lokal na pamahalaan sa inklusibong serbisyo para sa mga PWDs at solo parents:

“Sa pagi po sading training, indi lang kita nakaprovide ning source of income. Naeenganyar ta man ang entrepreneurial spirit san satun na mga PWDs kina solo parents. Sa Camalig, wara po mawawatak sa serbisyo san gobyerno. Parte po yadi san adbokasiya ning LGU na mas mapakusog ta pa ang resiliency ning mga PWDs kina solo parents.”

Sa pamamagitan ng programang ito, umaasa ang LGU-Camalig na mas mapapalakas ang kakayahan ng mga benepisyaryo na makapagsimula ng maliit na negosyo at magkaroon ng mas matatag na kabuhayan para sa kanilang pamilya. (Larawan: Camalig PIO / Facebook)