'Rage bait,' itinanghal na Word of the Year 2025 ng Oxford
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-02 08:58:23
LONDON — Opisyal na pinangalanan ng Oxford University Press ang “rage bait” bilang Word of the Year para sa 2025, na sumasalamin sa lumalalang impluwensiya ng online content na sadyang dinisenyo upang mag-udyok ng galit at kontrobersya.
Ayon sa Oxford, ang rage bait ay tumutukoy sa “online content deliberately designed to elicit anger or outrage by being frustrating, provocative, or offensive, typically posted in order to increase traffic to or engagement with a particular web page or social media content.” Pinili ito mula sa shortlist na kinabibilangan ng “aura farming” at “biohack” matapos ang tatlong araw ng public voting na nilahukan ng mahigit 30,000 katao.
Sa datos ng Oxford, tumaas nang tatlong beses ang paggamit ng terminong rage bait sa nakalipas na taon. Ayon kay Casper Grathwohl, presidente ng Oxford Languages, “The fact that the word rage bait exists and has seen such a dramatic surge in usage means we’re increasingly aware of the manipulation tactics we can be drawn into online.”
Ipinaliwanag ng Oxford na ang pagpili ng rage bait ay kaugnay ng mga isyung namayani ngayong taon, kabilang ang “social unrest, debates about the regulation of online content, and concerns over digital wellbeing.” Dagdag pa ng lexicographer na si Susie Dent, “Although we love fluffy cats, we’ll appreciate that we tend to engage more with negative content and content that really provokes us.”
Ang rage bait ay maihahalintulad sa clickbait, ngunit ang layunin nito ay hindi lamang makakuha ng atensyon kundi sadyang magpasiklab ng emosyon. Sa mga platform ng social media, karaniwan itong nakikita sa mga post na may kontrobersyal na pahayag, nakaka-offend na komento, o nakaka-frustrate na mga video na nagiging viral dahil sa dami ng reaksyon ng netizens.
Noong nakaraang taon, ang Word of the Year ay “brain rot”, na tumutukoy sa mental drain mula sa labis na pagkonsumo ng mababang kalidad na online content. Sa pagpili ng rage bait ngayong 2025, muling binigyang-diin ng Oxford ang malaking papel ng digital culture sa pagbabagong wika at sa paghubog ng pandaigdigang diskurso.
Sa kabuuan, ang pagkilala sa rage bait bilang Word of the Year ay nagsisilbing babala at paalala sa publiko na maging mas mapanuri sa mga nakikita online. Sa panahon kung saan ang galit ay nagiging puhunan para sa engagement, mahalagang kilalanin ang mga taktika ng manipulasyon upang mapanatili ang balanseng paggamit ng social media.
