Diskurso PH
Translate the website into your language:

Anyare? Pilipinas, no.1 sa buong mundo pagtatapon ng basura sa dagat

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-05 22:30:09 Anyare? Pilipinas, no.1 sa buong mundo pagtatapon ng basura sa dagat

MANILA, Philippines — Isang nakababahalang ulat ang muling umalingawngaw sa publiko matapos lumabas na ang Pilipinas ang nangungunang bansa sa buong mundo na pinagmumulan ng basurang napupunta sa karagatan. Sa halip na manguna sa edukasyon, agham o environmental stewardship, nangunguna ang bansa sa pagdudumi ng dagat—isang realidad na tinawag ng mga environmental advocate na “nakakahiya at masakit tanggapin.”

Ayon sa mga eksperto, matagal nang may batas na tutugon sana sa suliraning ito—ang Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000, isa sa mga pinaka-progresibong batas sa Asya pagdating sa tamang pamamahala ng basura. Layunin nitong ipagbawal ang open dumpsites, palakasin ang segregation sa pinagmumulan pa lamang, at limitahan ang pagpasok ng basura sa sanitary landfills.

Ngunit sa kabila ng malinaw na mandato, patuloy ang malawakang pagsasama-sama ng lahat ng uri ng basura—biodegradable, recyclable, hazardous at industrial waste—sa iisang supot at iisang tambakan. Dahil dito, nagiging “unsanitary landfills” ang mga pasilidad na dapat ay ligtas at kontrolado. Maging ang mga palaisdaan sa ilang lugar gaya ng Navotas ay nagmistulang tapunan ng basura, at naapektuhan maging ang kabuhayan at seguridad sa pagkain.

Binanggit ng ilang environmental groups na ang kabiguan ng RA 9003 ay hindi lamang nakaugat sa kakulangan ng pasilidad, kundi sa kawalan ng disiplina at konsistensiya mula sa mga mamamayan at lokal na pamahalaan. Maraming LGU umano ang mas pinili ang “hauling and dumping” kaysa pag-invest sa recycling, composting at pagpapatayo ng Materials Recovery Facilities. Dagdag pa rito ang mga isyu ng katiwalian na pumapabor sa kontratang may kinalaman sa pagha-haul ng basura.

Tinawag ng mga eksperto ang sitwasyon bilang isang “ekolohikal na kasalanan” laban sa kalikasan, sa mga mahihirap na unang naaapektuhan ng polusyon, at sa mga susunod na henerasyon na mamamana ng baybayin na puno ng plastik sa halip na kabibe.

Gayunpaman, nananatiling bukas ang panawagang magbago. Hinimok ang publiko na muling sundin ang pangunahing prinsipyo ng RA 9003: segregation, composting, recycling, at pagpapanatiling kaunti ang residual waste. Panawagan din sa LGUs na paigtingin ang pagpapatupad ng batas at itigil ang pagtrato sa karagatan bilang walang hanggang tapunan.

Sa kabila ng nakakabahalang ulat, naniniwala ang mga environmental advocate na kaya pang makaahon ng bansa kung magkakaisa ang pamahalaan at mamamayan. “Para sa karagatang nagbibigay-buhay, para sa mga batang magmamana ng bansang ito, at para sa Diyos na nagkatiwala sa atin ng likas yaman—kailangan nating gawin ang tama,” anila. (Larawan: Google)