Robin Padilla, labis ang pagdadalamhati sa kondisyon ng ina: 'Masakit makita, puro masakit ang naaalala niya'
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-29 22:23:33
Oktubre 29, 2025 – Hindi napigilan ni Robin Padilla ang maiyak habang ibinabahagi ang pinagdaraanan ngayon ng kanyang ina na si Eva Cariño, na kasalukuyang lumalaban sa dementia.
Sa naging panayam niya kay Boy Abunda sa programang Fast Talk, ikinuwento ng aktor-senador na hirap silang lahat sa sitwasyon ng kanilang ina dahil tila mas madalas nitong maalala ang mga masakit na bahagi ng nakaraan kaysa sa magagandang alaala.
“Si Mama, minsan nakakalimutan na niya kung sino siya o nasaan siya. Pero ang nakakalungkot, yung mga hindi magandang nangyari noon, yun pa rin ang sariwa sa kanya. Kaya halos buong araw, umiiyak siya,” ayon kay Robin.
Para mapagaan ang loob ng kanilang ina, madalas daw nila itong kantahan ni Mariel Rodriguez-Padilla ng mga lumang kantang paborito nito.
“Kapag naririnig niya ‘yung Maalaala Mo Kaya o Dahil Sa Iyo, bigla siyang napapangiti. Doon namin nakikita na kahit paano, bumabalik sa kanya ‘yung mga masasayang alaala,” dagdag ni Robin.
Ibinahagi rin ng senador na nagsimulang manghina si Mommy Eva matapos ang pagkamatay ng kanyang kapatid na si Royette Padilla noong 2021.
“Nung mawala si Kuya Royette, parang doon na rin siya tuluyang nanghina. Minsan, nakakalimutan na ni Mama na wala na siya. Kapag nababanggit ko, saka lang niya muling naaalala—at doon na siya napapaiyak.”
Bagama’t isang Muslim, inamin ni Robin na muling bumabalik sa kanilang tahanan ang pagdiriwang ng Pasko dahil iyon daw ang panahong pinakamasaya para sa kanilang ina.
“Kahit hindi kami dapat nagse-celebrate, ginagawa ko pa rin kasi doon siya masaya. Ang importante, maramdaman niya na hindi siya nag-iisa at nandito kami para sa kanya.”
Naalala rin ni Robin kung paano sila pinalaki ni Mommy Eva na maging matatag at huwag basta susuko, lalo’t madalas ay wala ang kanilang ama noon dahil abala sa politika.
“Sabi niya palagi, ‘Hindi puwedeng mahina. Dapat matatag kayo.’ Kaya kahit gaano kahirap ngayon, sinusubukan kong maging matibay para sa kanya.”
Maraming tagahanga ang naantig sa emosyonal na kuwento ng aktor, na kahit sanay makita sa mga action movie, pinatunayan na malambot ang puso pagdating sa pamilya.
