Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bagong mukha sa Miss Universe! Mario Búcaro, itinalaga bilang kapalit ni Anne Jakrajutatip bilang CEO

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-30 22:59:49 Bagong mukha sa Miss Universe! Mario Búcaro, itinalaga bilang kapalit ni Anne Jakrajutatip bilang CEO

May bagong hari sa likod ng korona! 

Ilang araw bago magsidatingan ang mga kandidata para sa 74th Miss Universe pageant sa Thailand, inanunsyo ng Miss Universe Organization (MUO) ang pag-upo ng Guatemalan diplomat na si Mario Búcaro bilang bagong Chief Executive Officer (CEO) ng organisasyon.

Papalit siya sa Thai billionaire na si Anne Jakrajutatip, na nagbitiw sa puwesto noong Hunyo 20, 2025 matapos ang restructuring na ginawa ng board ng JKN Global Group, ang kompanyang may-ari ng MUO.

Ayon sa opisyal na pahayag ng MUO, lubos ang pasasalamat nila kay Anne sa kanyang “visionary leadership and dedication” na nagpalawak sa global presence ng Miss Universe at mas pinatibay ang adbokasiya nito sa inclusion at diversity.

Sa ngayon, naka-focus daw si Anne sa kanyang pamilya matapos ang halos tatlong taon ng pamumuno.

Bago maging CEO, nagsilbi si Mario bilang Vice President for International Relations ng MUO mula Enero 2024.

Hindi lang basta opisyal si Búcaro — isa rin siyang batikang diplomat, dating ambassador ng Guatemala sa Israel at Mexico, at sabay na kinatawan sa Bulgaria at Cyprus.

Minsan na rin siyang naging Minister of Foreign Affairs ng Guatemala, kung saan kinilala siya sa galing sa conflict resolution, diplomacy, at international relations.

Sa panahon niya sa MUO, sinimulan niya ang programang “Beyond the Crown” — isang inisyatibong nagpo-promote ng women’s leadership, education, at entrepreneurship para ipakita na ang mga Miss Universe queens ay higit pa sa ganda. 

Sa ilalim ng pamumuno ni Búcaro, nakatakdang palawakin pa ang presensya ng Miss Universe sa buong mundo — mula Americas, Europe, Asia, hanggang Africa.

Layunin din niyang palakasin ang mga proyekto ng MUO para sa social impact at women empowerment.

Ayon sa pahayag ng MUO, “Mr. Búcaro will reinforce the organization’s commitment to excellence and inclusivity while enhancing its global outreach.”

Noong Oktubre 2022, nabili ng JKN Global Group ni Anne Jakrajutatip ang Miss Universe Organization — isang hakbang na nagdala ng mas maraming pagbabago sa sikat na beauty pageant.

Ngayon, sa pag-upo ni Mario Búcaro, tila isang bagong yugto na naman ng glamor, empowerment, at international prestige ang haharapin ng Miss Universe!