Sam Milby, inamin na may latent autoimmune diabetes: 'Nakaka-sad, pero parte na ng buhay ko'
Gerald Ericka Severino  Ipinost noong 2025-10-30 22:52:07 
            	Oktubre 30, 2025 – Emosyonal ngunit kalmado ang aktor na si Sam Milby nang ibahagi niya ang diagnosis ng kanyang kondisyon — latent autoimmune diabetes in adults (LADA) o mas kilala bilang Type 1.5 diabetes.
Sa panayam ni Sam, inamin niyang una siyang napagsabihang may Type 2 diabetes, pero matapos ang masusing checkup sa Singapore, lumabas na iba pala ang kaso niya.
“There was a fan who commented, ‘Maybe you’re not Type 2, maybe you’re Type 1.5.’ So I did my research and asked my endocrinologist. After some tests, they confirmed it. It’s called LADA—it’s an autoimmune disease,” paliwanag ni Sam.
Ayon sa aktor, ang LADA ay kondisyon kung saan unti-unting humihina ang paggawa ng insulin ng pancreas, hanggang sa tuluyang tumigil.
“It’s bad. Type 1 is the worst. Tito Gary (Valenciano) has Type 1. It means your pancreas doesn’t produce insulin at all. So I may have to start insulin shots eventually,” ani Sam.
Bagama’t nabigla sa resulta, nananatiling positibo at kalmado si Sam.
“Nakaka-sad, but it’s a part of my life. May disiplina naman ako sa pagkain. Healthy lifestyle talaga, pero minsan kahit gano’n, may mga bagay na di mo kontrolado.”
Para mapangalagaan ang kanyang kalusugan, ibinahagi ni Sam na mas pinagbubuti niya ngayon ang kanyang physical activities at diet.
“I’m trying to be more physically active. During the pandemic, hindi masyado. Ngayon, nagpi-pickleball na ako — that’s my cardio. Sometimes I run. Also, strict ako sa diet. I use shiratake rice and pasta — masarap at malaking tulong.”
Ayon sa Mayo Clinic, ang latent autoimmune diabetes in adults (LADA) ay uri ng diabetes na karaniwang lumalabas sa adulthood at unti-unting lumalala. Katulad ito ng Type 1 diabetes kung saan ina-attack ng immune system ang insulin-producing cells ng pancreas, pero mas mabagal ang proseso.
Ibig sabihin, hindi agad kailangan ng insulin therapy, pero kalaunan ay magiging katulad din ng Type 1.
Matatandaang noong Hunyo 2024, unang ibinunyag ni Sam na mayroon siyang Type 2 diabetes mellitus (T2DM). Ibinahagi pa niya noon sa Instagram na labis siyang nagulat dahil wala naman siyang hilig sa matatamis o junk food.
“I don’t have a sweet tooth, bihira din mag-junk food, pero nalaman ko na may Type 2 diabetes ako. My parents and grandparents never had it. I just wish I got checked earlier.”
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Sam ang publiko na huwag ipagsawalang-bahala ang mga sintomas ng diabetes gaya ng madalas na pagkauhaw at pag-ihi, at magpa-checkup agad para sa early detection.
Kahit may pinagdaraanan, nananatiling inspirasyon si Sam Milby sa pagpapakita ng lakas ng loob, disiplina, at positibong pananaw sa gitna ng hamon sa kalusugan.
