Diskurso PH
Translate the website into your language:

Cup of Joe, wagi bilang ‘Top Local Artist’ at ‘Top Local Group’ sa Spotify Wrapped 2025

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-12-05 10:43:28 Cup of Joe, wagi bilang ‘Top Local Artist’ at ‘Top Local Group’ sa Spotify Wrapped 2025

Disyembre 5, 2025 – Nanguna ang OPM band na Cup of Joe bilang “Top Local Artist” at “Top Local Group” sa inilabas na Spotify Wrapped 2025 nitong Huwebes, Disyembre 4. Ang grupo, na nagmula sa Baguio City, ang naging pinakakinilalang lokal na act ng taon batay sa dami ng streams at engagement ng mga tagapakinig sa bansa.

Bukod sa tagumpay ng grupo, nangibabaw din ang kanilang hit single na “Multo”, na pumuwesto bilang No. 1 sa “Top Tracks of 2025” sa Pilipinas. Ang nasabing awitin ang nakakuha ng pinakamalaking bilang ng plays at naging bahagi ng pinakamaraming playlist ng mga Filipino listener ngayong taon.

Sa kanilang pahayag, nagpaabot ng pasasalamat ang Cup of Joe sa kanilang fans, na kilala bilang “Joewahs,” sa patuloy na pakikinig at suporta. Ayon sa banda, malaking bagay para sa kanila ang makitang naging bahagi ang kanilang musika ng personal na sandali ng maraming tao.

“It’s incredibly overwhelming to see our songs become part of people’s playlists and their big moments this year — it reminds us that we’ve somehow become part of their story. Knowing that someone found comfort or connection in our music is one of the best feelings. We’re excited to grow, experiment, and share more pieces of ourselves with our listeners,” pahayag ng grupo.

Kasama rin sa “Top 5 Local Artists of 2025” sina December Avenue, Arthur Nery, Dionela, at TJ Monterde. Sa “Top 5 Local Groups of 2025,” sumunod sa Cup of Joe ang December Avenue, Ben&Ben, Parokya ni Edgar, at Silent Sanctuary.

Samantala, sinundan ang “Multo” sa “Top 5 Local Songs of 2025” ng mga kantang “Tibo” ni Earl Agustin, “Marilag” ni Dionela, “Sa Bawat Sandali” ni Amiel Sol, at “My Day” ni HELLMERRY.

Bukod sa mga artist at kanta, kabilang din ang podcast listening trends sa 2025 Wrapped. Nanguna sa Pilipinas ang mga programang “Barangay Love Stories” at “Papa Dudut Stories” mula sa Barangay LS 97.1. Kasama rin sa listahan ang relationship podcast na “Will Talks,” ang radio drama anthology na “Dear MOR,” at ang horror sleep podcast na “Sitio Bangungot.”

Ang Spotify Wrapped ay taunang pagtatala ng listening habits ng mga user sa buong mundo, kabilang ang pinaka-pinakinggang awitin, artista, at podcast ng taon.