Kobe Paras, spotted partying with South African singer Tyla sa BGC; malagkit na tinginan, pinagpipiyestahan ng netizens
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-05 22:51:57
Disyembre 5, 2025 – Usap-usapan ngayon sa iba’t ibang social media platforms ang kumakalat na videos ni basketball star Kobe Paras na nakitang nakiki-party at tila close encounter pa kay South African global pop sensation Tyla. Nangyari ito sa after-party ng We Wanna Party Asia Tour ng Grammy-winning singer noong Miyerkules, December 3, 2025, sa isang sikat na bar sa Bonifacio Global City, Taguig.
Ang mga video, na kuha ng mga partygoers at agad na in-upload sa TikTok at X, ay nagpapakitang halos magkatabi sina Kobe at Tyla malapit sa DJ booth. Sa clip, sumasayaw si Tyla suot ang maiksing denim shorts at white midriff top, habang hindi maikakaila ang atensyon ni Kobe na nakatutok sa kanya.
Mabilis na napansin ng netizens ang chemistry—or at least ang “tinginan”—ng dalawa. Ang ilan ay napa-komento ng, “Jusko Kobe! Ang lagkit ng tingin mo.” May mga nagbiro naman na, “Gets ko si Kobe, Tyla na ‘yan eh. Kahit ako, tititigan ko rin.”
Bukod kay Kobe, nakuhanan din sa video si Thirdy Ravena na nasa paligid din ng dance floor. Nagdulot ito ng dagdag na ingay online dahil parehong sikat sa basketball community ang dalawa, at parehong kilalang mahilig mag-enjoy sa nightlife kapag walang training o season break.
Pero, kahit nasa party si Thirdy, si Kobe talaga ang naging sentro ng atensyon dahil may ilang sandaling si Tyla ay sumasayaw papalapit sa parte kung saan siya nakatayo.
Sa mga kuhang video, may makikitang eksena kung saan tila nagkakatitigan sina Kobe at Tyla habang nag-eenjoy ang crowd. Wala namang malinaw na palitan ng salita na nakuhanan, pero sapat na ang ilang segundong clip para magpasabog ng haka-hakang “baka may connection” ang dalawa.
Isang netizen pa ang napa-comment: “Parang bagay sila. Cute ng height difference nila kung sakali.”
Wala pang pahayag mula sa kampo ni Kobe o Tyla tungkol sa naturang viral moment.
Hindi rin maiwasang balikan ng netizens ang kasaysayan ng lovelife ng anak nina Benjie Paras at Jackie Forster. Lalong naging topic ang viral party videos dahil kakalipas lang ng ilang buwan mula nang ma-report ang breakup nila ni Kapuso actress Kyline Alcantara.
Inamin ni Kobe ang kanilang relasyon noong November 1, 2024—na malambing, sweet, at proud pa nilang ibinabahagi online. Pero noong April 2025, sa ulat ng PEP Troika, ay kumpirmadong naghiwalay ang dalawa matapos ang serye ng matitinding pagtatalo. Ayon sa source, nagkaayos pa raw sila noong una, pero ilang araw lang ang lumipas ay muling nagkaalitan at doon nag-final break.
Hindi raw tukoy kung sino ang nag-initiate ng hiwalayan, ngunit pagkatapos ng breakup ay nakita si Kobe sa Bali party trip kasama ang mga kaibigan, dahilan para lumabas ang espekulasyong “moving on era” na raw ang basketball heartthrob.
Pagdating ng June 30, 2025, muli siyang naging laman ng usapan matapos may kumalat na video niya na may kasamang “mystery girl.” Sa kuha, naglalakad silang magkahawak-kamay palabas ng isang establisimyento—ibang babae pa raw ito sa nakita niyang kasama sa Bali.
And now… Tyla?!
Dahil sa sunod-sunod na sightings at bagong video kasama ang international star, marami ang nagtataka kung may bago bang dine-date si Kobe—o kung friendly party vibe lang ang lahat.
Sa ngayon, walang kumpirmasyon mula sa magkabilang kampo. Pero kung pagbabasehan ang reaksyon ng publiko, mukhang hindi pa mauubusan ng intriga ang pangalan ni Kobe Paras pagdating sa love life at social life niya.
Ang fanbase naman ni Tyla ay todo-protective, pero karamihan ay natatawa rin sa cute na interaction at high-energy party vibe na nakuha sa video.
Habang walang opisyal na pahayag, patuloy na nagvi-viral ang clips, at mukhang hindi pa tapos ang tsismis na ito.
