Ellen Adarna at John Lloyd Cruz, muling nagsama para suportahan ang anak na si Elias sa piano recital
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-15 22:20:36
Disyembre 15, 2025 – Nagbigay ng feel-good moment sina Ellen Adarna at John Lloyd Cruz matapos muling magsama—this time para sa isang napaka-importanteng milestone ng kanilang anak na si Elias. Dumalo ang dating mag-partner sa piano recital ni Elias, patunay ng maayos at matured na co-parenting setup nila.
Ibinahagi sa Instagram Stories noong December 14 ang ilang kuhang litrato mula sa event, na unang in-upload ng talent manager na si Van Soyosa at ni-reshare ni Ellen. Sa isang larawan, makikitang magkasamang nakatayo sa entablado sina Ellen at John Lloyd habang hawak ni Elias ang kanyang certificate of achievement—proud parents mode on. Sa iba pang clips, kitang-kita ang focus at saya ni Elias habang tumutugtog.
Kasama rin sa recital ang girlfriend ni John Lloyd na si Isabel Santos, na nagbahagi ng backstage moments ni Elias. Ilan sa mga ito ay ni-reshare rin ni Ellen, na may pabirong caption na, “Hi tita sabel! ” Nag-posing din ang dalawa kasama si John Lloyd at ilang kaibigan—isang larawan na tahimik pero malinaw na nagpapakita ng respeto at pagkakaintindihan.
Hindi rin nagpahuli si Ellen sa mom duties—dinala niya ang kanyang one-year-old daughter na si Lili, na anak nila ni Derek Ramsay. Sa isang light moment, maririnig ang tawa ni John Lloyd habang nilalaro ni Lili ang isang oversized na sunglasses, dagdag kiliti sa eksena.
Umani ng papuri mula sa netizens ang buong tagpo. Marami ang humanga sa pagiging present ni John Lloyd bilang ama at sa healthy co-parenting dynamics ng lahat ng involved. “The most present daddy award goes to JL,” ani ng isang netizen, habang may nagsabing, “I love how co-parenting works with these too, especially with the support of the significant other.”
Matatandaang ilang beses nang pinuri ni Ellen si John Lloyd bilang ama. Sa isang Q&A noong Nobyembre, sinabi niyang wala siyang masasabing masama tungkol dito: present, honest, at responsable raw si John Lloyd, kahit pa naghiwalay sila bago mag-one year old si Elias. Nilinaw rin ni Ellen ang usaping suporta, ibinabahagi na malinaw at patas ang napagkasunduan nila pagdating sa pangangailangan ng kanilang anak.
Sa kabila ng kani-kanilang pinagdaanan—mula sa kanilang hiwalayan, sa mga bagong relasyon, at sa kamakailang rebelasyon ni Ellen tungkol sa kanyang separation kay Derek—isang bagay ang malinaw: kapag si Elias ang usapan, buo at present ang pamilya. Isang modernong setup na patuloy na hinahangaan ng marami.
Larawan: Ellen Adarna Instagram
