Rochelle Pangilinan nilinaw ang pagliban ng ilang SexBomb members: 'Walang tampuhan, walang sama ng loob'
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-15 22:33:18
Disyembre 15, 2025 – Nag-react si Rochelle Pangilinan, lider ng iconic girl group na SexBomb Girls, sa usap-usapang pagliban ng ilang miyembro sa kanilang reunion concert na ginanap kamakailan. Maraming netizens ang napansin na hindi lahat ng dating SexBomb members ang naka-perform, kaya agad nagbigay ng paliwanag si Rochelle sa Instagram.
Aniya, kahit hindi nakasama sa entablado ang ilang miyembro ng grupo hindi ibig sabihin ay may tampuhan o sama ng loob. “Once a SexBomb, always a SexBomb,” diin niya.
Ipinaliwanag ng actress-dancer na bawat miyembro ay may kanya-kanyang valid na dahilan kung bakit hindi nakapag-perform, mula sa pamilya, trabaho, hanggang sa iba pang personal na commitments. “Iba-iba po kami ng responsibilities sa buhay — pamilya, trabaho, personal commitments — at lahat ng desisyong iyon ay dapat igalang,” dagdag ni Rochelle.
Pinatnubayan din niya ang mga fans na huwag nang manira o mag-bash sa mga hindi nakasama. “Walang tampuhan. Walang sama ng loob. Walang kulang sa respeto. May pagmamahal pa rin at respeto sa isa’t isa, kahit hindi nakasama sa stage,” paliwanag niya.
Dagdag pa ni Rochelle, ang reunion concert ay selebrasyon ng buong SexBomb story—noon at ngayon. “Kaya sana po, walang bashing at walang masakit na salita para sa mga hindi nakasama. Hindi po nila deserve iyon. Lahat sila ay bahagi ng Sexbomb story — noon at ngayon,” ani niya.
Para kay Rochelle, ang pinaka-importante ay ang mensahe ng pagkakaisa at pagmamahalan ng grupo. “Sa lahat ng nagmamahal sa SexBomb, maraming salamat sa suporta, saya, at pagmamahal na ibinuhos ninyo sa concert. Lahat tayo ay bahagi ng selebrasyon na ito,” pagtatapos niya.
