Diskurso PH
Translate the website into your language:

Hollywood director na si Rob Reiner at asawa, natagpuang patay sa kanilang tahanan

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-12-15 21:44:45 Hollywood director na si Rob Reiner at asawa, natagpuang patay sa kanilang tahanan

Disyembre 15, 2025 – Niyanig ng matinding lungkot ang Hollywood matapos matagpuang patay ang batikang direktor at aktor na si Rob Reiner, 78, at ang kanyang asawa na si Michele Singer, 68, sa loob ng kanilang bahay sa Brentwood, Los Angeles noong Linggo, December 14, 2025.

Rumesponde ang mga awtoridad matapos makatanggap ng tawag para sa medical assistance. Sa kanilang pagdating, natagpuan ang mag-asawa na wala nang buhay. Batay sa paunang imbestigasyon, kapwa nagtamo ng mga sugat ang dalawa na hinihinalang sanhi ng pananaksak, dahilan upang ituring ng pulisya ang insidente bilang isang posibleng homicide.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye ng nangyari. Isang miyembro ng pamilya ang iniimbestigahan kaugnay ng kaso, ngunit sa ngayon ay wala pang inilalabas na opisyal na sakdal.

Ikinasal sina Reiner at Singer noong 1989 at biniyayaan ng tatlong anak. Bago si Michele, unang ikinasal si Reiner sa aktres at direktor na si Penny Marshall, na pumanaw noong 2018.

Higit sa trahedya, maiiwan si Rob Reiner bilang isa sa mga haligi ng Hollywood cinema. Una siyang nakilala bilang aktor sa klasikong sitcom na All in the Family noong dekada ’70, bago tuluyang sumikat bilang direktor.

Kabilang sa kanyang mga pinakatanyag na pelikula ang This Is Spinal Tap, Stand By Me, The Princess Bride, When Harry Met Sally…, Misery, A Few Good Men, at The American President—mga pelikulang patuloy na minamahal ng iba’t ibang henerasyon ng manonood.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, patuloy namang bumubuhos ang pakikiramay at parangal mula sa mga tagahanga at kapwa artista, na nagbibigay-pugay sa kanyang hindi matatawarang ambag sa mundo ng pelikula.