Kylie Padilla sa Co-Parenting Setup nila ni Aljur: '80% sa akin, 20% lang sa kanya'
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-15 22:48:26
Disyembre 15, 2025 – Nagpa-katotohanan si Kylie Padilla sa publiko tungkol sa kanilang co-parenting setup ng ex-husband niyang si Aljur Abrenica para sa kanilang dalawang anak na sina Axl at Alas. Ayon sa Kapuso actress, mas malaki ang kanyang ambag sa pagpapalaki at gastusin para sa mga bata, kumpara kay Aljur.
Sa kanyang guesting sa online show ng GMA na “Your Honor” na pinangungunahan nina Chariz Solomon at Buboy Villar, sinabi ni Kylie na 20% lang ang ambag ni Aljur sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga bata, habang 80% ay kanya.
“Co-parenting, sa pagkakaintindi ko, 100-100 ang ambagan. Hindi hati. Give your best, I give my best. You be a parent, physically, mentally, emotionally lahat,” ayon kay host Chariz Solomon.
Hirit naman ni Kylie:
“E, paano kung 80% ikaw ‘yung parent? Ako ‘yung 80%, siya 20 lang.”
Dagdag pa niya, financially, mas malaking bahagi rin siya.
“Co-parenting pa rin kami, pero sa akin ‘yung kids 80% of the time. Pero financial, 80% ako rin. May napag-usapan na kaming halaga every month. Nagtatanong rin naman siya, parang half kami sa school fees, kung may hospital fees, nag-ooffer naman siya,” paliwanag ng aktres.
Pinuri rin ni Chariz ang effort ni Aljur kahit limitado ang kanyang ambag:
“At least ‘di ba? Very important ‘yung may eagerness man lang siya. Kahit hindi niya maibigay ng buo, meron siyang eagerness.”
Tungkol sa schedule ng mga bata, sinabi ni Kylie na sa weekends nakikita sila ni Aljur.
“Gusto ko Christmas sa akin, gift-giving at family bonding. New Year naman, sa kanya,” aniya pa.
Isa pang mahalagang aspeto na binigyang-diin ni Kylie ay ang pagbibigay ng boses sa mga anak kung saan nila gustong maging kasama:
“I ask my kids kung ano gusto nila gawin. Binibigyan ko sila ng choice, ‘Ano ba gusto n’yo gawin? Gusto n’yo ba sa tatay n’yo?’ Gusto ko masanay silang may ‘say’ sila. Kita ko naman na mas okay nga ang relationship nila sa tatay nila ngayon.”
Bukod sa dalawang anak nila ni Kylie, may tatlo pang anak si Aljur sa kasalukuyang partner niyang si AJ Raval.
Sa kabila ng pagkakaiba sa ambag, malinaw na nanatiling maayos ang relasyon ng dalawa para sa kapakanan ng mga anak. Ang pagiging bukas ni Kylie sa mga detalye ay nagpakita ng mature at practical na approach sa co-parenting, kung saan priority ang well-being ng mga bata kaysa personal na alitan.
