Sofia Mallares ng Team Zack Tabudlo, Grand Champion ng The Voice Kids 2025
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-15 21:29:44
Disyembre 15, 2025 – Nagwagi bilang grand champion ng The Voice Kids 2025 ang batang powerhouse vocalist na si Sofia Mallares, miyembro ng Project Z sa ilalim ng paggabay ni coach Zack Tabudlo—isang tagumpay na itinuturing na milestone hindi lang para sa young singer kundi pati na rin sa kanyang coach.
Tinalo ni Sofia ang kapwa finalists na sina Yana Goopio ng Team Bilib, Marian Ansay ng Julesquad, at Giani Sarita ng Benkada matapos niyang makuha ang pinakamataas na boto mula sa audience at viewers sa grand finals na ginanap noong Linggo, Disyembre 14, 2025.
Sa huling yugto ng kompetisyon, pinabilib ni Sofia ang madla sa kanyang emosyonal at makapangyarihang rendition ng awiting “The Prayer” na orihinal na inawit ni Celine Dion—isang performance na umani ng papuri at standing ovation.
Matapos ang kanyang pagtatanghal, tinanong si Sofia kung ano ang kanyang ipinagdarasal bago ang finale. Aniya, ang kanyang panalangin ay hindi lamang para sa panalo kundi para sa mensaheng maihatid ng kanyang awit.
“Nagpe-pray po ako na maramdaman ng mga nanonood ang presence ni God at ma-touch po ang kanilang hearts,” ani Sofia.
Ang kanyang sinseridad at husay ang tila nagdala sa kanya sa tagumpay.
Zack Tabudlo, emosyonal sa pagbabalik-tanaw
Kasabay ng panalo ni Sofia ay ang emosyonal na pagbabalik-tanaw ng kanyang coach na si Zack Tabudlo, na minsan ding naging contestant ng The Voice Kids mahigit isang dekada na ang nakalipas.
Noong 2014, sumali si Zack sa unang season ng nasabing kompetisyon kung saan siya ay naging bahagi ng Team Bamboo. Bagama’t hindi siya pinalad na magwagi noon, naging daan naman ito sa kanyang matagumpay na karera bilang singer-songwriter.
Sa isang Instagram post, ibinahagi ni Zack ang kanyang damdamin matapos ang panalo ng kanyang mentee:
“Eleven years ago, I stood here as a kid with a dream. Today, I stand here as a winning coach. Congratulations, Sofia Mallares.”
Ang tagumpay ni Sofia ay patunay na ang pangarap, kapag sinamahan ng talento, pananampalataya, at tamang gabay, ay tunay na nagbubunga—isang panalong hindi lang tropeo ang kapalit kundi inspirasyon para sa susunod na henerasyon ng mga batang mang-aawit.
Larawan: Zack Tabudlo
