20 vloggers, binabantayan ng NBI dahil sa pagpapakalat ng fake news; 2 may arrest warrant na
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-03-18 09:59:46
MANILA, Philippines — Mahigpit na binabantayan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 20 vloggers na pinaghihinalaang nagpapakalat ng fake news online, kung saan dalawa sa kanila ang mayroon nang arrest warrant.
Kinumpirma ito ni NBI Director Jaime Santiago sa isang press briefing nitong Lunes, Marso 17, 2025.
Binigyang-diin ni Santiago ang determinasyon ng ahensya na labanan ang disimpormasyon, lalo na ngayong panahon ng halalan.
“We respect freedom of speech and expression, but these do not give anyone the right to fabricate stories,” ayon kay Santiago.
Dagdag niya, aktibong nagtatayo ng kaso ang Cybercrime Division ng NBI laban sa mga sangkot sa pagpapalaganap ng maling impormasyon.
“Papasok sa cyber libel, papasok sa inciting to sedition. Yung mga mamamayan natin, ginagawa nilang biro-biro yan. Pero lagi po nating sinasabi, that is not absolute. Merong limitation yan,” paliwanag niya.
Kabilang sa mga iniimbestigahan ay isang US-based content creator na kilala bilang “Maharlika”, na sinasabing lumabag sa Anti-Cybercrime Law at nakapagsagawa ng inciting to sedition.
Nagbabala si Santiago na maaari nang isagawa ang pag-aresto anumang oras, dahil naihain na ang mga kaso sa Department of Justice (DOJ).
“When you cross the line, when your statements become libelous, when you spread lies that create unrest in the country – that is inciting to sedition,” giit ni Santiago.
Nakikipagtulungan din ang NBI sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) upang matugunan ang lumalawak na problema sa fake news.
Ayon kay Santiago, lalo pang lumakas ang mga disinformation campaign, kaya nagiging mahirap para sa publiko na matukoy kung ano ang totoo at hindi.
Kinilala rin ng Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro ang pagdami ng fake news, na iniuugnay niya sa kasalukuyang sitwasyon matapos ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“This is very obvious that more fake news is lingering, maybe because of the present situation regarding the arrest of former President [Rodrigo] Duterte,” ani Castro.
Muling nagbabala ang NBI sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon na itigil na ito bago sila mapanagot sa batas.
“They should stop now before they get arrested and start crying about freedom of expression or freedom of the press,” babala ni Santiago.
Samantala, ang PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ay nagsimula na ring magdokumento at kilalanin ang mga indibidwal na may kaugnayan sa pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa pag-aresto kay Duterte.
Ayon kay PNP spokesperson Brigadier General Redrico Maranan, bagama’t may karapatan ang mga tao na magpahayag ng opinyon, ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon ay lalo lamang nagpapalala ng sitwasyon.
Image Courtesy of PNA
