Siyam patay matapos araruhin ng SUV sa Vancouver festival

ABRIL 27, 2025 — Patay ang siyam na tao matapos bumulusok ang isang sasakyan sa isang punong-punong pagdiriwang ng kulturang Filipino sa Vancouver noong Sabado ng gabi, ayon sa awtoridad. Nahuli ang suspek, isang 30-taong-gulang na lalaki na kilala na ng pulisya, matapos siyang pigilan ng mga bystander bago dumating ang mga opisyal.
Naganap ang atake bandang 8 p.m. malapit sa East 41st Avenue at Fraser Street, kung saan nagtitipon ang mga tao para sa taunang Lapu-Lapu Day Block Party — isang masiglang pagdiriwang bilang parangal sa pambansang bayani ng Pilipinas. Nagulat ang mga saksi nang makitang may mabilis na maitim na SUV na tumama sa mga tao.
"This is so horrific, I don’t even know what to say," sabi ni Jagmeet Singh, lider ng Canada’s New Democratic Party, na umalis ilang minuto bago maganap ang trahedya. "I was just there, and I just imagine the faces of the kids that I saw smiling and dancing."
(Napaka-horrific nito, hindi ko alam ang sasabihin. Nandoon lang ako kanina, at naaalala ko ang mga ngiti at sayaw ng mga bata.)
Isinalaysay naman ni Yoseb Vardeh, isang may-ari ng food truck, ang nangyari: "I looked down the road and there’s just bodies everywhere. He went through the whole block, straight down the middle."
(Tumingin ako sa kalsada at puno na ito ng mga katawan. Dumiretso siya mismo sa gitna ng buong bloke.)
Hindi itinuring ng pulisya na terorismo ang insidente, ngunit hindi pa rin inilalabas ang motibo. Nakakulong pa rin ang suspek.
Ang Lapu-Lapu Day, na opisyal na kinilala ng British Columbia noong 2023, ay pagdiriwang ng Filipino-Canadian heritage. Dumaragsa dito ang libo-libo para sa pagkain, musika, at cultural performances.
Tinawag ni Prime Minister Mark Carney ang pangyayari bilang "devastating," habang nagpahayag din ng pagkabigla sina Vancouver Mayor Ken Sim at British Columbia Premier David Eby.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon.
(Larawan: Yahoo News)