Teodoro nagbabala sa umano’y pakikialam ng China sa halalang midterm ng Pilipinas

Mayo 9, 2025 — Nagbabala si Defense Secretary Gilberto "Gibo" Teodoro Jr. na may interes ang China na makialam sa nalalapit na May 12 midterm elections, kasunod ng umano’y mga operasyon ng paniniktik at impormasyon na konektado sa Beijing.
“Ang China talagang may interest na pakialaman ang eleksyon dito dahil obvious na obvious 'yan at nakikialam naman talaga 'yang mga 'yan kasi nasa DNA nila 'yan,” pahayag ni Teodoro sa closing ceremony ng Balikatan Exercises sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Binigyang-diin ni Teodoro ang mga naunang insidente kung saan naaresto ang mga Chinese nationals dahil sa umano’y espiya, kabilang ang paggamit ng international mobile subscriber identity (IMSI) catchers—isang surveillance device na kayang mangalap ng impormasyon mula sa mobile phones at matukoy ang lokasyon ng mga gumagamit.
Ipinunto rin niya ang papel ng United Front Works (UFW) division ng Chinese Communist Party (CCP) na umano’y nagtatayo ng mga alyansa at network ng impluwensiya sa buong mundo upang isulong ang interes ng Beijing.
"’Yang China, 1949 ipinanganak ‘yan sa rebolusyonaryong pamamaraan at isang mission statement ni Mao Tse Tung is to spread revolution worldwide," dagdag ni Teodoro.
Nauna nang nagbabala ang National Security Council (NSC) kaugnay ng mga indikasyon na ang China ay nagsasagawa ng state-sponsored information operations upang makaimpluwensiya sa eleksyon, gamit umano ang mga third-party individuals upang palaganapin ang pro-Beijing na naratibo sa publiko.
Gayunman, itinanggi ng Chinese Foreign Ministry ang mga paratang. “China follows the principle of non-interference in other countries’ domestic affairs. We have no interest in interfering in Philippine elections,” ayon kay Chinese Foreign Ministry spokesperson Guo Jiakun sa isang press conference.
Sa kabila ng pagtanggi ng Beijing, iginiit ni Teodoro na bahagi ng mas malawak na estratehiya ng China ang mga aksyon nito sa West Philippine Sea (WPS)—kabilang ang kamakailang pangha-harass ng mga barko ng Chinese navy at coast guard sa isang barkong pandigma ng Philippine Navy.
“I'm not alarmed and I'm not surprised. Sinasabi ko na matagal na, pakikibaka ito. We have to expect those things to happen,” aniya, sabay panawagan na maging mapagmatyag ang bansa laban sa anumang pakikialam ng dayuhan.
Samantala, iniutos ng Palasyo ang agarang imbestigasyon sa isyu at muling tiniyak ang paninindigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na protektahan ang integridad ng halalan.
Image from SENATE PRIB