‘Si Baby pa ang Nag-Adjust’: Babae, Viral sa Paglalagay ng Aso sa Diaper Station
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-07-30 16:29:13
SM NORTH — Isang babae ang umani ng batikos mula sa netizens matapos siyang makita sa isang baby changing station sa loob ng mall, kung saan tila ang kanyang alagang aso ang ginamitan ng pasilidad na eksklusibo sana para sa mga sanggol.
Sa mga larawang ibinahagi ng isang netizen, makikitang abala ang babae sa pag-aalaga at paglilinis ng kanyang alagang aso sa loob ng public diaper-changing area. Habang makikita rin na may isang ina na nag aayos ng kanyang baby habang nakatayo.
Maraming netizens ang nagpahayag ng pagkadismaya, lalo’t malinaw na ang lugar ay para sa mga sanggol at hindi hayop. Bukod sa isyu ng kalinisan, kinuwestyon din ng ilan ang respeto at konsiderasyon ng babae sa ibang gumagamit ng pasilidad.
Sa kabila ng panawagan ng ibang tao sa lugar na itigil ang ginagawa, nagpatuloy pa rin umano ang babae sa kanyang ginagawa. Agad itong naging viral sa Facebook, at umani ng libo-libong reaksyon, shares, at komento mula sa publiko.
Wala pang opisyal na pahayag mula sa pamunuan ng mall ukol sa insidente, ngunit umaasa ang mga netizen na magpapatupad ng mas mahigpit na patakaran upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa mga pampublikong pasilidad.
